OAKLAND, Calif. (AP) — Maagang naginit ang opensa ni Klay Thompson at matikas na umayuda ang second unit ng Warriors tungo sa matikas na 97-84 panalo kontra Memphis Grizzlies nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).

Ratsada si Thompson ng 29 puntos, tampok ang 27 sa first half, habang kumana si Kevin Durant ng 22 puntos, walong rebounds at dalawang blocked shots para sandigan ang kulang sa player na Warriors sa ika-10 sunod na panalo at anim na dikit na wala ang injured two-time MVP na si Stephen Curry.

Bukod kay Curry (sprained right ankle), nasa bench din sina forward Draymond Green at Andrew Iguodala at center Zhazha Pachulia bunsod nang iba’t ibang injury.

Kumana si Thompson ng 10-for-16 overall at hindi nagmintis sa tira bago sumablay sa kanyang three-point attempt may 6:10 ang nalalabi sa halftime.

Kendra Kramer, balik-paglalangoy; may mensahe sa mga atleta

Kaagad na nag-tweet si Curry: “Somebody is having a great game!”

Nanguna sa Grizzlies si Marc Gasol na may 21 puntos, siyam na rebounds at limang assists.

Nag-ambag si Omri Casspi sa Warriors sa naiskor na 12 puntos at anim na rebounds mula sa bench.

Ikinatuwa ni coach Steve Kerr ang kaganapan at ang performance ng Warriors, sa kabila ng paggkawala ng kanyang star players.

“I like it,” sambitni Kerr.

KINGS 104, NETS 99

Sa New York, hindi high-flyer si Zach Randolph, ngunit mas mabilis ang kanyang pagsirit sa NBA marks.

Tinanghal si Randolph bilang ika-20 player sa kasaysayan ng NBA na nakapagtala ng 18,000 puntos at 10,000 rebounds matapos sandigan ang Sacramento Kings kontra Brooklyn Nets.

Sa bigat na 250 pounds, hindi maibibilang ang 6-foot-9 na si Randolph sa mga players na matataas tumalon, ngunit sa 17-season sa liga, nagawa niyang makapagtala ng averaged 10.6 rebounds.

“I tell the young guys, it’s not about who jumps the highest and how strong you are,” pahayag ni Randolph, kumana ng 21 puntos para makumpleto ang marka.

“Rebounding’s about positioning and having a knack for the ball and reading where the ball will come off, having a sense where the ball is going to bounce to. It’s about a combination of things, it ain’t just about athletic ability or just jumping up and down.”

Nanguna George Hill sa Kings na may 22 puntos.

SPURS 93, BLAZERS 91

Sa Portland, Oregon, hataw si LaMarcus Aldridge sa nakubrang 22 puntos, habang kumubra si Pau Gasol ng 20 puntos at season-high 17 rebounds sa panalo ng San Antonio Spurs kontra Portland Trail Blazers.

Nailista ng Spurs ang ikatlong sunod na panalo para sa 22-10 karta.

Hindi pinaglaro ng Spurs management program sina Kawhi Leonard at Tony Parker na kapwa ipinapahinga ang na-injured na quadriceps.

Nag-ambag sina Patty Mills at Manu Ginobili ng tig-10 puntos.

Galing sa 3-2 kampanya sa road game, natikman ng Blazers (16-15) ang ikalimang sunod na kabiguan sa home court.

Nagsalansan si Damian Lillard ng 17 puntos sa Portland, habang tumipa si Jusuf Nurkic ng 15 puntos at kumubra sina Evan Turner at Shabazz Napier ng tig-14 puntos.

LAKERS 122, ROCKETS 116

Sa Houston, nailista ni rookie Kyle Kuzma ang career high 38 puntos, tampok ang pitong three-pointer para gabayan ang Los Angeles Lakers sa makapigil-hiningang panalo laban sa Rockets.

Nabalewala ang 51 puntos ni James Harden sa Rockets, naputol ang winning streak sa 14. Ito ang unang kabiguan ng Houston mula nitong Nobyembre 14.

Mula sa 110-all, naibaba ng Lakers ang 10-0 run para makausad tungo sa huling apat na minuto ng laro.

Halos mag-isang binalikat ni Harden ang Houston nang lisanin ni guard star Chris Paul, nalimitahan sa walong puntos, ang laro bunsod nang pamamaga ng kaliwang hita.

Sumagitsit ang opensa ni Kuzma sa first half sa impresibong 9 of 9 sa field, kakabilang ang anim na three-pointers.Naghinay-hinay siya sa pagsisimula ng econd half para matapos na may 12 of 17 overall at 7 of 10 sa rainbow area.

Sa iba pang laro, ginapi ng Oklahoma City Thunder ang Utah Jazz, 107-79; tinupok ng Miami Heat ang Boston Celtics, 90-89; pinabagsak ng Indiana Pacers anfg Atlanta Hawks, 105-95; tinuhog ng Chicago Bulls ang Orlando Magic, 112-94; nilapa ng Minnesota Timberwolves ang Denver Nuggets 112-104.