ni Celo Lagmay
HINDI pa man humuhupa ang bagsik ni ‘Urduja’ pagkatapos ng limang landfall nito sa iba’t ibang panig ng kapuluan, isa na namang bagyo na pinangalanang ‘Vinta’ ang nagbabadyang manalasa sa bansa.
Hanggang sa mga oras na ito, mahigit 30 na ang iniulat na namatay at milyun-milyong halaga rin ng mga ari-arian at istruktura ang napinsala. Ang tunay na detalye ng kapinsalaan, lalo na sa Visayas, ay inaalam pa ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC).
Naniniwala ako na hindi nagkukulang ang NDRRMC—kabilang na ang PAGASA at Philvolcs—sa pagpapaalala sa atin hinggil sa kahalagahan ng paghahanda sa mga kalamidad na tulad ng bagyo, baha, lindol at iba pa. Ang naturang mga sakuna ay mistulang bumubulaga nang hindi natin namamalayan, tulad ng magnanakaw sa gabi, wika nga.
Nasaksihan natin, halimbawa, ang pagdaluyong noon sa Visayas ni ‘Yolanda’—ang itinuturing na pinakamalakas na bagyo na dumaluyong sa bansa. Libu-libong bahay ang nawasak dahil sa matinding pagdaluyong na ikinamatay ng libu-libo rin nating mga kababayan; bukod pa sa napinsalang bilyun-bilyong pisong halaga ng mga ari-arian at mga gusali.
Hanggang ngayon, namimighati pa ang naturang mga biktima ng kalamidad sapagkat hindi man lamang nila nasilayan ang kanilang mga mahal sa buhay na natabunan ng mga gumuhong istruktura. Lalong bumibigat ang kanilang pagdurusa at pagdadalamhati dahil sa mistulang nakabiting rehabilitasyon ng mga pininsala ni Yolanda; lalo na nga kung iisipin na ang naturang rehabilitasyon ay sinasabing nabahiran ng mga katiwalian at kawalan ng malasakit sa typhoon victims.
Tuwing dinadalaw tayo ng mga kalamidad, lagi kong naaalala ang bukambibig ng ating mga ninuno: “Pinaghihigantihan kayo ng kalikasan”. Kasabay nito, lalo namang gumigiit sa aking utak angkasakiman ng ilan nating nagkukunwaring mapagmahal sa kalikasan; na pasimuno sa pagwasak ng kalikasan. Sila ang illegal loggers at miners na malimit sisihin sa biglang pagbaha o flashfloods dahil sa kanilang walang pakundangang pamumutol ng mga punongkahoy na epektibong pamigil ng malaking kantidad ng tubig na nagmumula sa kabundukan; gayon din ang mga minero na walang habas sa paghuhukay ng likas na kayamanan.
Ang kanilang tandisang pamiminsala sa kabundukan at kagubatan ay magugunitang tinuldukan ni dating DENR Secretary Gina Lopez. Nakapanggagalaiti na ang kanyang makatao at makabayang hangaring pangalagaan ang kalikasan ay mistulang nilumpo ng mga makapangyarihang may masakim na interes; may gahamang hangarin na wasakin ang kalikasan.
Ang naturang mapagsamantalang sektor ng tiwaling mga negosyante at mamumuhunan ang kailangang puksain upang tayo—tayo na matitino at mapagmahal sa kapaligiran—ay hindi madamay sa bagsik ng kalikasan.