Binawasan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang bilang ng mga kinatawan nito sa Overseas Filipinos Bank (OFB).
Inihayag ni Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III na ipinatupad nila ang hakbang upang madagdagan ang bilang ng mga kinatawan mula sa grupo ng overseas Filipino workers (OFW) sa OFB Board of Directors.
“I recommended one OFW (representative) from land-based sector and another OFW representing the sea-based sector,” ani Bello sa press conference nitong nakaraang linggo.
Hindi inilahad ni Bello ang mga pangalan ng dalawang bagong nominees.
Inilabas ni Pangulong Duterte ang Executive Order (EO) No. 44 noong Setyembre na nagbibigay ng pahintulot sa conversion ng Philippine Postal Savings Bank (PPSB) bilang OFB. Inaasahang magsisimula ang operasyon ng OFB sa Enero 20, 2018. - Samuel P. Medenilla