Untitled-1 copy

Biado at Garcia, sasargo sa World Pool Final Four

DOHA, Qatar – May dalawang pambato ang Pilipinas upang muling maibalik sa bansa ang World 9-ball Championship title.

Matapos ang dikdikan at pahirapang largahan sa Final 16, matikas na nakaalpas sina Filipino veteran Carlo Biado at Roland Garcia upang makausad sa Final Four ng 2017 World 9-ball Championship nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila) sa Al Arabi Sports Club dito.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Makakaharap ni Biado, unang Pinoy na nagwagi ng gintong medalya sa World Games nitong Hulyo sa Poland, ang 22-anyos rising star na si Wu Kun Lin ng Taiwan.

Target ng 34-anyos na si Biado, tanyag sa mundo ng billiards bilang ‘Lucky Luke’, na makamit ang ikatlong major title ngayong taon. Nakamit din niya ang gintong medalya sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia nitong Agosto.

Sa hiwalay na semi-final, target din ni Roland Garcia, tinaguriang ‘Raging Bull’ sa mundo ng billiards, na makausad sa Finals ng prestihiyosong torneo sa unang pagkakataon ng kanyang pro career kontra sa 18-anyos na si Klenti Kaci ng Albania.

Sa nakalipas na edisyon ng torneo, ang pinakamataas na inabot ng 36-anyos na si Garcia, protégée ni one-time World 9-ball champion Efren ‘The Magician’ Reyes, ay Round of 64.

Tangan ng dalawang Pinoy ang bentahe sa karanasan laban sa mga bata, ngunit matinik ding mga karibal.

Lalaruin ang semi-finals sa race to 11, alternate break Huwebes ng umaga (Biyernes sa Manila). Kung papalarin, magaganap ang all-Pinoy Finals na race-to-13, alternate break kinahapunan ng Huwebes.

Nakamit ni Biado ang upuan sa Final Four via disqualification (11-0) nang mabigo ang karibal na si Liu Haitao ng China na makarating sa tamang oras ng kanilang duwelo sa Final 8 match up.

Matapos ang pahirapang duwelo kontra Ko Ping Chung ng Taiwan, 10-8, sa Final 16 duel nagdesisyon si Liu na bumalik sa kanyang hotel para makapagpahinga, ngunit napasarap ang tulog nito at nabigong makarating sa venue sa tamang oras.

“Hindi ko akalain na manalo ng ganito kadali,” sambit ni Biado, muling nabigyan ng pagkakataon na makamit ang minimithing titulo.

Sa 2015 edition ng torneo, abot-kamay na ni Biado ang tagumpay, ngunit naungusan ni Ko Pin Yi ng Taiwan, 13-11.

Ngunit, mabigat na kalaban ang batang si Lin.

Umusad ito sa semi-finals nang walisin ang mga karibal, kabilang na sina defending champion Albin Ouschan, 11–3, sa Final 16 at ang beteranong kababayan na si Hsieh Chia Chen, 11-7, sa quarterfinals.

Nakalusot naman si Garcia nang daigin si Venezuelan-Jordanian Jalal Yousef.