ni Clemen Bautista
IKA-10 ngayon ng Disyembre. Sa liturgical calendar ng Simbahan ay pangalawang Linggo ng Adviento. Paghahanda sa Pasko na paggunita sa pagsilang ni Jesus Christ sa darating na ika-25 ng Disyembre. Ngunit para naman sa mga kababayan natin na may pagmamahal at pagpapahalaga sa buhay ng tao, lalo na sa mga karapatan nito, mahalaga ang Disyembre 10 sapagkat pagdiriwang ito ng anibersaryo ng Universal Declaration of Human Rights Day o Pandaigdig na Pagpapahayag ng Araw ng mga Karapatan Pantao.
Sa pagdiriwang, asahan nang magiging bahagi ang mga kilos-protesta o mass action ng mga militanteng grupo sa iba’t ibang bahagi ng bansa, partikular na sa Metro Manila. Sa mga kilos-protesta, babatikusin ang mga paglabag sa mga karapatan pantao. Pang-aapi sa mga manggagawa at magsasaka. Ang mga pagpatay sa giyera kontra droga ng kasalukuyang rehimen na ang mga tumitimbuwang ay pawang hinihinalang drug user at pusher na nakasuot ng tsinelas at marumi ang sakong ng mga paa. Sa mga police operation, ang litanya at paliwanag ng mga pulis ay NANLABAN kaya napatay. May kilos-protesta rin ang mga pamunuan at miyembro ng National Union of Students of the Philippines (NUSP). Babatikusin ang pang-aabuso sa mga mag-aral sa mga kolehiyo at pamantasan.
Ang araw na ito ay isang magandang pagkakataon para sa lahat upang isipin ang kahalagahan ng mga karapatang pantao. Hindi maitatanggi na ang paglabag sa mga karapatan pantao ay nagaganap sa Pilipinas at maging sa ibang bansa.
Ang pagpapahayag ng mga karapatan pantao ay nag-ugat sa ibinunga ng reaksiyong pandaigdig noon sa mga kalupitang nilikha ng Ikalawang Digmaan Pandaigdig. Ang mga kalupitang iyon ay hinangad na huwag na sanang maulit at ipinahayag na ang lahat ng tao ay may mga karapatan na dapat igalang sa buong mundo.
Matagal nang nagawa ang balangkas ng Pagpapahayag ng mga Karapatan Pantao. Nagsimula ang konsepto nito mahigit 300 taon na ang nakalilipas. Noong 1679, ipinagtibay ng English Parliament ang “Habeas Corpus Act” na gumagarantiya sa indibiduwal na kalayaan at kaligtasan laban sa ‘di makatwirang pagdakip at pagpaparusa.
Ang Pagpapahayag ng mga Karapatan Pantao ay may pundasyon din ng 1869 Bill of Rights, United States Declaration of Independence noong 1776, French Declaration of the Rights of Man and the Citizens noong 1789, First Geneva Conference, League of Nations, Geneva Declaration of the Child noong 1924, UN Charter, at ng UNESCO.
Ayon sa Universal Declaration of Human Rights, lahat ng tao na malayang isinilang ay may pantay na dignidad at mga karapatan na hindi nagtatangi ng kulay, lahi, wika, relihiyon at kalagayan sa buhay. Sa Konstitusyon ng Pilipinas ay may isang buong Artikulo sa mga Karapatang Pantao. Itinatag pa ang Commision on Human Rights (CHR) noong Mayo 5, 1987 na nagsisiyasat sa mga paglabag.
Sa pagdiriwang ng Universal Declaration of Human Rights Day, dumanas at patuloy na dumaranas ang mga mamamayan ng pagyurak at paglabag sa mga karapatan pantao. Kabilang sa mga biktima ay ang sektor ng mahihirap tulad ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan, mag-aaral at ang kababaihan.
Sa bawat rehimen na namahala sa ating bayan, ang pagyurak at paglabag sa mga karapatan pantao ay naganap. Mahirap nang malimot ang matinding pagyurak at paglabag sa mga karapatan tao noong panahon ng diktaduryang Marcos. Hanggang ngayon, ang pamilya at kamag-anak ng mga pinatay, mga dinukot at nawala ay patuloy na humihingi ng katarungan.
Sa rehimeng Cory Aquino, hindi na malilimot ang masaker sa mga magsasaka sa Mendiola noong Enero 22, 1987. Sa rehimeng Ramos, ang mga Pilipino ay biktima ng mga batas na pinagtibay na nagpahirap sa mamamayan. Malilimot ba ang Oil Deregulation Law. Globalization, ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) Law. Sa rehimeng Duterte, ginipit ng mga sirkero at payaso sa Kongreso ang Commission on Human Rights (CHR) sa paglalaan ng budget na P1,000. Binalak pang buwagin. Mabuti na lamang at nag-iba ang ihip ng hangin. Bukod dito, terorista na ang tawag sa mga aktibista at kritiko ng administrasyon.