Ni Hannah Torregoza at Mary Ann Santiago

Hinimok kahapon ni Senator Joseph Victor “JV” Ejercito si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na magbigay-liwanag sa P3.5-bilyon anti-dengue vaccine deal na sinasabing inaprubahan nito sa bisperas ng simula ng pangangampanya noong 2016.

Nasa gitna ng kontrobersiya sa palpak na immunization program ng Department of Health (DoH), hanggang ngayon ay wala pa ring pahayag ang dating Pangulo tungkol sa usapin sa bakuna kontra dengue na Dengvaxia, ayon kay Ejercito.

“If possible, former President Aquino can just speak about his meetings back then with Sanofi Pasteur officials, much better. We’re not accusing him of anything but, the public just cannot help ask why, prior to the procurement of the vaccines, they had at least two meetings,” sinabi ni Ejercito sa mga mamamahayag.

'Mauubos lang ang oras ko:' Leila De Lima, iisnabin na lang mga basher

“It might just be coincidence, but its best that he personally explain what happened. Why was there a meeting (with the Sanofi officials),” ani Ejercito.

Ayon kay Ejercito, chairman ng Senate committee on health and demography, sumasang-ayon siya sa paniniwala ni Senator Richard Gordon na maihahalintulad sa midnight deal ang paraan ng pagbilis sa mga nasabing bakuna.

Pangungunahan ng komite ni Gordon, ang Blue Ribbon Committee, ang imbestigasyon ng Senado sa kontrobersiya upang matukoy kung sino ang dapat managot sa pagbili ng gobyerno ng P3.5-bilyon bakuna kontra dengue mula sa Sanofi Pasteur, ang French manufacturer ng Dengvaxia na itinurok sa mahigit 700,000 mag-aaral na edad siyam pataas.

Ito ay makaraang ihayag ng mga opisyal ng Sanofi na ang Dengvaxia ay para lamang sa mga dati nang na-dengue.

Dahil dito, plano ng pamahalaan na idemanda ang Sanofi Pasteur.

“Eventually that’s where it’s gonna go, because eventually it’s the court of law that’s gonna decide insofar as the liability of Sanofi is concerned,” sabi ni Health Secretary Francisco Duque III.

Aniya, ikinokonsidera rin ng DoH ang paghingi ng indemnity fund mula sa Sanofi para sa hospitalization expenses ng mga batang posibleng mangailangan ng medical treatment dahil sa Dengvaxia.