Ni Francis Wakefield, Fer Taboy, at Liezle Basa Iñigo

Pitong miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nasawi sa engkuwentro kasabay ng pagkubkob sa pinakamalaking kampo ng kilusan sa South Cotabato, habang may kabuuang 24 na iba pa ang sumuko sa Agusan del Sur at South Cotabato sa nakalipas na mga araw.

Nakubkob ng 33rd Infantry Battalion at 27th Infantry Battalion ang kampo ng NPA sa Sitio Datal Bonglangon, Barangay Ned sa Lake Sebu, South Cotabato matapos ang bakbakan nitong Linggo ng madaling-araw, at nakakumpiska ng dalawang baril at mga subersibong dokumento.

Pitong rebelde at dalawang sundalo ang napatay sa nasabing sagupaan.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Kinabukasan, bandang 3:00 ng hapon ay sumuko sa grupo ni Lt. Col. Harold Cabunoc ng 33rd IB ang 10 miyembro ng Platoon Arabo of Guerilla Front 73.

Iniulat din kahapon ang pagsuko sa militar ng 14 na miyembro ng NPA sa Talacogon, Agusan del Sur.

Sinabi ni 2Lt. Rommel Arnado, ng 26th Infantry Battalion, na bitbit ng mga rebelde—na pawang mula sa tribung Banwa-on, ang 16 na armas.

Samantala, bandang 8:30 ng umaga nitong Lunes nang makaengkuwentro ng 71st Division Reconnaissance Company (71DRC) at 81st IB ang nasa 15 rebelde sa Bgy. Balidbid sa Salcedo, Ilocos Sur.

Tumagal ng 30 minuto ang bakbakan hanggang sa umurong ang NPA, na pinaniniwalaang nalagasan ng mga kasamahan, habang wala namang nasawi o nasugatan sa panig ng militar.

Nauna rito, nagkaroon din ng limang-minutong sagupaan ang militar at NPA sa Sitio Mabongtot, Bgy. Ud-udiao sa Sallapadan, Abra dakong 5:30 ng umaga nitong Sabado.

Walang naiulat na nasawi o nasugatan sa magkabilang panig.