ni Celo Lagmay
BAGAMAT hindi ko nasilayan ang Marawi City nang ito ay winawasak ng digmaan, nababanaagan at nauulinigan ko naman ngayon, sa pamamagitan ng mga ulat, ang tinatawag na “sights and sounds of rehabilitation” ng naturang siyudad. Ibinunsod na ng Duterte administration, sa pakikipagtulungan ng mga pribadong sektor, ang pagbangon ng Marawi City na naging eksena ng malagim na digmaan ng Maute Group at ng ating mga sundalo at pulis.
Naniniwala ako na hindi gayon kadali ang rehabilitasyon ng nasabing lungsod na nagmistulang disyerto dahil sa pagkawasak ng mga bahay, gusali at iba pang istruktura, sanhi ito ng katakut-takot na pambobomba at panununog na humantong naman sa kamatayan ng daan-daang kaalyado ng Maute group, mga sibilyan at ng mga elemento ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP). Kaakibat ito ng paglikas ng daan-daan libong Maranao na hanggang ngayon ay nananatili pa sa mga evacuation centers.
Nakatutuwang mabatid ang sama-samang pagsisikap ng iba’t ibang sektor upang ganap na maibangon ang Marawi City. Bukod sa gobyerno at sa ating mga kababayan, hindi rin nag-atubili ang lider ng iba’t ibang bansa na makipagtulungan sa rehabilitasyon ng naturang siyudad. Isipin na lamang na umaabot sa P39 na bilyon ang tinatayang napinsala; nangangailangan ng P209 bilyon upang maibalik, kahit paano, ang dating anyo at kaunlaran ng lungsod. Naihanda ng pamahalaan ang panimulang P10 bilyon para sa rehabilitasyon.
Taliwas ito sa pagtaya ni Architect Felino Palafox, tanyag na urban planner, na ang mga karanasan sa rehabilitasyon ay kinilala sa daigdig. Ang ganap na pagbangon ng Marawi City ay mangangailangan ng P410 bilyon at ang rehabilitasyon ay maaaring tumagal ng 50 taon. Nangangahulugan pa na ang naturang siyudad na winasak sa loob ng 154 na araw na digmaan ay ibabangon sa loob ng halos kalahating dantaon?
Hindi dapat kainipan ang gayon katagal na rehabilitasyon basta masilayan lamang natin ang dating larawan ng lungsod: nagkakaunawaang mga mamamayan, nagpapahalaga sa kulturang naging bahagi ng kanilang buhay, maunlad na pamumuhay na pinakikilos ng tunay na diwa ng demokrasya -- pinakikilos ng mga batas at hindi ng tao.
Habang ibinabangon ang Marawi City, naniniwala ako na angkop lamang na ito ay maging simbolo ng kapayapaan -- sa ating paningin at ng buong daigdig.