Ni: Beth Camia
Hindi dumalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa alinmang selebrasyon ng Bonifacio Day kahapon.
Sa Monumento sa Caloocan City, sina Vice President Leni Robredo at Defense Secretary Delfin Lorenzana ang nanguna sa seremonya sa Bonifacio Monument.
Dumalo rin sa okasyon sina Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Rey Leonardo Guerrero at Caloocan City Mayor Oscar Malapitan.
Sa ibinigay na abiso ng Philippine News Agency nitong Miyerkules tungkol sa mga aktibidad para sa ika-154 na anibersaryo ng kapanganakan ng Ama ng Katipunan, binanggit na inimbitahan si Duterte bilang guest of honor para sa aktibidad sa Caloocan.
Kahapon, sa maikling mensahe sa mga mamamahayag ay sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi nakadalo sa okasyon ang Pangulo dahil sa “commitment in Mindanao”.
“Commitment in Minda (Mindanao). Can’t disclose sked (schedule) but he’s going to a conflict-ridden area,” mensahe ni Roque sa mga mamamahayag.