Ni KATE LOUISE B. JAVIER

Isang dating tauhan ng Philippine Marine Corps ang napatay habang dalawang iba pa, kabilang ang isang pulis, ang nasugatan sa huling pag-atake ng riding-in-tandem sa Navotas City, nitong Sabado ng gabi.

Kinilala nina PO3 Philip Edgar Vallera at PO1 Filbert Madio ang nasawi na si Corporal Philip Panelo, 39, resigned member ng Philippine Marine Corps, at taga-Barangay NBBS, Navotas City.

Ayon sa paunang imbestigasyon, sakay si Panelo sa kanyang motorsiklo at tinatahak ang Bisugo Street bandang 9:30 ng gabi nang biglang sumulpot ang apat na lalaki na magkakaangkas sa dalawang motorsiklo at pinagbabaril si Panelo sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kaagad na rumesponde si PO2 Clemencio Santos, 42, ng Navotas City Police, na nakatira ilang bloke lang mula sa lugar ng krimen.

Nakabarilan ni PO2 Santos ang mga suspek, subalit nabaril siya sa binti.

Nasapol naman ng ligaw na bala sa puwet si Danilo Montances, 54, na naglalakad noon malapit sa lugar.

Ayon sa police report, tinangay pa ng mga suspek ang baril ni PO2 Santos bago tumakas.

Sinabi naman ng maybahay ni Panelo na mabuting tao ang kanyang mister at wala itong kaaway. Aniya, nag-resign sa Philippine Marines ang kanyang asawa dahil plano nitong lumipat sa Philippine Coast Guard.