PANGANGASIWAAN ng Vatican ngayong taon ang kumperensiya kung saan tatalakayin ng ilang opisyal ng United Nations, ng North Atlantic Treaty Organization, ng mga Nobel peace laureate, at iba pang kilalang personalidad sa mundo ang usapin ng nukleyar na armas.
Inihayag ni Archbishop Silvano Tomasi, ang permanent observer ng Holy See sa United Nations, na malinaw namang ang mundo ngayon ay “facing a real risk of the use of the atomic weapons”. Maaaring mangyari ito “by chance, by choice, or because those sitting in the rooms with the buttons are unbalanced”, dagdag niya.
Malinaw na tinutukoy niya ang mga pinuno ng North Korea at ng Amerika na ilang beses nang nagpalitan ng insulto sa nakalipas na mga buwan, kabilang na ang banta ng malawakang pagkawasak. Maaaring nagbabatuhan nga lang ng mga nakakatakot na banta sina Kim Jong Un ng North Korea at US President Donald Trump, ngunit gaya nga ng sinabi ni Archbishop Tomasi, maaaring bigla na lamang mapindot ang mga nuclear button sa biglaang saltik ng kahinaan, desperasyon, o kabaliwan.
Magtatalumpati si Pope Francis sa dalawang-araw na kumperensiya sa unang araw nito sa Nobyembre 10. Kasunod niya ay magsisipagtalumpati rin ang iba pa, kabilang ang executive director ng International Campaign to Abolish Nuclear Weapons, na ginawaran ng Nobel Peace Prize ngayong taon. Magbibigay din ng personal na testimonya ang isang nakaligtas sa atomic bombing sa Nagasaki, Japan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Maaaring magpadala ng opisyal na kinatawan ang Amerika, na ang mga ilalahad ay napakalaking bagay para sa kumperensiya. Hindi naman tiyak kung magpapadala ang North Korea, o ang pangunahing kaalyado nito na China, ng kinatawan sa pulong. Parehong walang ugnayang diplomatiko sa Vatican ang dalawang nabanggit na bansa, subalit ang kanilang pagdalo o pagbalewala sa kumperensiya ay may malaking epekto sa pagtitipon.
Ang kumperensiya sa Vatican ay inisyatibo ng mga taong nakadarama ng pagkabahala, naniniwalang may moral silang obligasyon na gawin ang kanilang makakaya laban sa pandaigdigang problema na mistulang hindi saklaw ng mga solusyong imumungkahi ng mga gobyerno. Ilang taon nang sinisikap ng United Nations na mapigilan ang North Korea sa pamamagitan ng pagpapataw din ng mga economic sanction, subalit walang nangyari.
Si Pope Francis at ang iba pang nagmamalasakit na personalidad sa iba’t ibang panig ng mundo na magpupulong sa Vatican sa Nobyembre 10-11 ay pawang pinakikilos lamang ng moral na awtoridad, subalit maaaring makapaghain sila ng solusyon sa lumulubhang problema ng hindi nagmamaliw na banta ng pandaigdigang paglipol dulot ng nukleyar na armas. Kasama nila ang buong mundo sa inaasam nilang ito.