(Ikalawang bahagi)
ni Clemen Bautista
ISANG halimbawa ng pagiging simpleng tao si Botong Francisco noong siya’y nabubuhay pa at mamamayan na hindi kailanman lumaki ang ulo o naging mayabang dahil sa katanyagan at pagiging matalino. Pantay-pantay ang pagpapahalaga niya sa kapwa at hindi tumitingin sa katayuan sa buhay. At ang pagpapahalagang ito ni Botong Francisco ay ginawa niyang imortal sa mga mukha ng mga taong nakalarawan sa kanyang mga miyural at iba pang likhang-sining.
Bilang pintor, si Botong Francisco ay unang nakilala nang magwagi ng unang gantimpala noong 1948 sa taunang timpalak o paligsahan sa pagguhit na itinataguyod ng “Art Association of the Philippines”. Ang kanyang obra o likhang-sining na may pamagat na “Kaingin” ay ginantimpalaan ng P1,000. Noon ay muntik pang malimutan ni Botong Francisco ang nasabing premyo mula kay Presidente Elpidio Quirino.
Bunga ng pagwawaging iyon ni Botong Francisco, lalong dumami ang nagpagawa sa kanya ng mga miyural at iba pang likhang-sining. Sa nasabing mga gawain, natagpuan ni Botong Francisco ang kanyang daigdig.
Hindi na malilimot ang malalaking miyural ni Botong Francisco na makikita sa Fiesta Pavilion ng Manila Hotel, ang mga eksena ng “Bayanihan” sa Philippine Bank of Commerce, at sa United Laboratory sa Mandaluyong City; ang “History of Medicine in the Philippines” sa lobby ng Philippine General Hospital, ang mga “Station of the Cross o Via Crucis” sa mga kapilya ng Far Eastern University (FEU) sa Morayta, Maynila at sa Don Bosco, Makati City, at ang Kasaysayan ng Buhay ni Santo Domingo sa simbahan ng Sto. Domingo sa Quezon City.
Hindi na rin malilimot nang idaos sa Maynila ang Unang International Fair noong 1953, si Botong Francisco ang naatasan na gumawa ng higanteng miyural na inilagay sa pintuan ng perya. Ang miyural na 88 metro ang haba at 98 metro ang taas, at naglalarawan ng pag-unlad ng Pilipinas sa loob ng 500 taon ay inilathala sa isang issue ng “Newsweek “ magazine bilang pagkilala sa unang pagkakataon sa pintor na Pilipino. Sa nasabing miyural, tumanggap si Botong Francisco ng P39,000 na isa nang malaking halaga noong panahong iyon.
Ang pinakahuli sa mga miyural ni Botong Francisco ay ang ipinagawa sa kanya ni Mayor Antonio Villegas, ng Maynila, na ngayon ay makikita sa Bulwagang Katipunan ng City Hall. Ang miyural ay naglalarawan ng kasaysayan ng Pilipinas Hall. Sa pagkakagawa ng nasabing mga miyural, unti-unti nang lumuwag ang buhay ni Botong Francisco at naging landas iyon upang lalo at higit niyang maipadama ang kanyang pagkamakatao at isang matapat na kababayan.
Hindi nagbago ang kanyang pagiging simpleng mamamayan. Kung walang painting session sa kanyang studio, kasama siya ng kanyang mga kaibigan at nakikipagkuwentuhan sa kanyang mga kababayan. Napagkamalan siyang isang mangingisda o magsasaka dahil sa kanyang ‘di nagbagong kasuotan. Pantalong maong o mumurahing korduroy pants na ginagamit niya sa pagpipinta, nakasuot ng t-shirt na kaswal, tsinelas o gomang sapatos.
Kapag walang ginagawang miyural, si Botong Francisco ay namamasyal sa Wawa, isang lugar sa Angono, Rizal na malapit sa tabi ng Laguna de Bay. Iginuguhit niya ang mga tanawin sa Isla ng Talim at ang mga mangingisdang taga-Angono na naghahayuman ng lambat ng pukot (isang uri pamalakaya sa Laguna de Bay).