Ni: Mary Ann Santiago
Mariing pinabulaanan ng isa sa mga nakaligtas sa paglubog ng bangka sa Laguna Lake sa Barangay Wawa, Binangonan, Rizal nitong Linggo na ang ulat na nagse-selfie sila kaya tumagilid hanggang sa tuluyang lumubog ang sinasakyan nilang bangka habang patungo sila sa birthday party ng isang kaibigan sa Dimatawaran fishpen, na nagresulta sa pagkamatay ng walong kasama niya.
Ayon kay Grace Parreño, isa sa mga nakaligtas sa trahedya, hindi totoong nagse-selfie sila kaya lumubog ang bangka.
Aniya pa, kung totoong nagse-selfie sila, dapat sana ay nahulog sa lawa ang dala nilang cell phone, pero nakalagaya ito sa loob ng bag.
Sinabi niyang bigla na lamang tumagilid ang bangka kaya nahulog sila.
‘KASALANAN PA NAMIN?’
“Parang inaano nila na kasalanan pa namin, kasi nagselfie-selfie kami. Hindi naman po totoo 'yun, eh,” umiiyak na sabi ni Parreño.
Naging emosyonal si Parreño habang inaalala ang nangyari, sinabing kitang-kita niya kung paano unti-unting lumubog sa tubig ang asawa niyang si Rulino Parreño, Jr., 43, habang hawak-hawak ang dalawang taong gulang nilang anak na si Jaiannah Jensine.
Nahawakan pa umano niya ang kamay ng asawa ngunit nabitawan niya ito, dahil ‘tila may tumutulak o pumipigil umano sa kanyang balikat.
Nang talagang hindi na umano niya kaya ay sumuko na siya at ipinaubaya na lamang sa Panginoon ang anumang mangyayari sa kanilang mag-anak, at sa iba pa nilang mga kaanak.
Nagising na lamang umano siya habang nire-revive ng mga rescuer sa bangka, ngunit hindi naman pinalad na makaligtas ang kanyang mag-ama.
NANAWAGAN NG TULONG
Kaugnay nito, nananawagan naman ng tulong pinansiyal sa publiko si Parreño upang maiuwi niya sa Capiz ang mga labi ng kanyang mag-ama.
Bukod sa mag-ama ni Grace, nasawi rin sa trahedya ang iba pa niyang mga kaanak na sina Frederick Orteza, 39; Weldy Orteza, 42; Sean Wilfred Orteza, 9; Malou Candol, 39; Mary Lou Papa, 44; at Neymariet Mendoza.
Nakaligtas naman ang isa pang anak ni Grace na si Joash, 10; sina Maxine Orteza, 7; Merlita Dominez, at Jerson Decreto, na nagpapaandar ng bangka, at hinahanap pa ng mga awtoridad hanggang sa kasalukuyan.
Wala naman umanong plano ang mga biktima na magsampa pa ng reklamo sa operator ng bangka dahil sa paniwalang aksidente lamang ang nangyari.
KAPABAYAAN SINISILIP
Sa kabila nito, sinabi ng Binangonan Municipal Police na sa tulong ng Philippine Coast Guard (PCG) ay iniimbestigahan pa nila ang insidente para matukoy kung sino ang may pananagutan dito.
Ayon sa pulisya, kapabayaan ang nakikita nilang dahilan ng trahedya.
Sinabi ni Chief Insp. Dwight Fonte, deputy chief of police ng Binangonan, na natukoy nilang ang sinakyang bangka ng mga biktima ay hindi pampasahero, at sa halip ay pangisda lamang. Wala rin umanong life vest sa bangka at overloaded din ito.
Si Chief Insp. Fonte ang nagsabi na batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagse-selfie ang mga biktima nang tumagilid at lumubog ang bangka bago mag-2:00 ng hapon nitong Linggo.
Naipon umano sa gilid ng bangka ang bigat ng mga biktima, sanhi upang tumagilid at tuluyang tumaob ito, na gawa sa fiber glass at may iisang katig lamang.