Ni BELLA GAMOTEA
ARESTADO si Cogie Domingo at umano’y misis nito sa isinagawang anti-illegal drug operation ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Region 4-A sa Parañaque City kahapon ng madaling araw.
Nasa kustodiya ngayon ng PDEA CALABARZON sa Camp Vicente Lim sa Canlubang, Laguna and aktor, kasama ang hindi pa pinangalanang babae na misis umano ng actor at isa pang suspek.
Sa ulat ni Senior Supt. Victor Rosete, hepe ng Parañaque City Police, nakipagkoordinasyon sa kanila ang PDEA agents kaugnay sa isasagawang operasyon sa lungsod dakong 10:00 ng gabi.
Batay pa sa report, sa pagitan ng 3:00 hanggang 4:00 ng madaling araw natiyempuhan ng PDEA agents si Domingo at misis nito na umiiskor umano ng droga sa kanilang bahay sa BF Homes, Parañaque City.
Hindi naman binanggit kung gaano karami ng hinihinalang shabu na nakumpiska sa actor at misis nito.
Naaresto rin ng awtoridad sa operasyon ang isang suspek na sinasabing nagbenta ng droga kay Domingo.
Unang nakatanggap ng timbre o impormasyon mula sa kanilang impormante ang PDEA kaugnay sa umano’y pagkakasangkot sa illegal drugs ng actor dahilan upang mapabilang siya sa target ng ahensiya.
Matatandaan na lumitaw sa 2016 report na nasa 54 celebrities ang napabilang sa drug watch list ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Inihahanda ng PDEA ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 laban sa tatlong suspek.