Ni: Gilbert Espena

ISA pang walang talong Pinoy boxer sa katauhan ni Reymart “Assassin” Gaballo mula sa General Santos City, South Cotabato ang magkakampanya sa United States laban sa beteranong Mexican na si Ernesto Guerrero sa Nobyembre 15 sa Hawaii Events Center sa Honolulu, Hawaii.

Nakabase ngayon ang 21-anyos na si Gaballo sa Miami, Florida at sa taglay na kartadang perpektong 16 panalo, 14 sa pamamagitan ng knockouts ay katatakutang harapin sa super bantamweight division.

Ayon sa manedyer ni Gaballo na si John Ray Manangquil ng Sanman Promotions, beterano ng mahigit 50 laban si Mexican journeyman sa kartadang 27-21-0 na may 19 pagwawagi sa knockouts kaya hindi puwedeng ismolin ng Piloy boxer sa “Island Fight Fest” card ni Filipino international boxing promoter Gabriel “Bebot” Elorde Jr.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“This is a great opportunity for Gaballo to look good in his US debut,” sabi ni Mananquil sa Philkboxing.com.

Nagpasalamat naman si Gaballo kina Manangquil at Elorde sa pagbibigay sa kanya ng pagkakataong maipakita ang kanyang potensiyal sa islang ginawang tahanan ng Filipino boxing greats tulad nina Ben Villaflor at Andy Ganigan.

“I am very excited and I’m ready to introduce myself in the US,” dagdag ni Gaballo na nagsasanay na sa gym ni Cuban Coach Moro Fernandez sa Miami mula noong Hunyo.

Kasalukuyang WBC Asian Boxing Council super bantamweight titlist si Gaballo ngunit hindi pa siya world ranked tulad ng kanyang ka-stable na si Harmonito Dela Torre na kasalukuyang WBO No. 12 super featherweight.