Ni AARON B. RECUENCO
Na-rescue ng mga pulis ang dalawang South Korean at isang babaeng Chinese matapos nilang salakayin ang safehouse ng isang umano’y casino loan shark, sa Guiguinto, Bulacan, nitong Lunes ng gabi.
Ayon kay Senior Supt. Glenn Dumlao, director ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG), anim na katao ang naaresto sa nasabing operasyon.
Kinilala ni Senior Supt. Dumlao ang mga nadakip na sina Ernesto Marella, 55; Alexander Dionisio, 30; Jomar dela Peña, 29; Raymond de Guzman, 22; Ferdie Dionisio, 32; at Florida Dionisio.
“The operation was immediately conducted after the Korean Embassy reported the kidnapping to us of a certain Yeum Sunki on Monday,” ani Dumlao.
Aniya, sa operasyong ikinasa bandang 8:00 ng gabi nitong Lunes ay nagulat sila nang matuklasang may dalawa pang biktima ng kidnapping bukod kay Yeum—isang babaeng Chinese at isa pang South Korean.
Kinilala ang Chinese na si Liu Xia, na dinukot ng mga armado mula sa isang hotel and casino sa Malate, Maynila nitong Setyembre 15.
Oktubre 12 naman ang tangayin din mula sa kaparehong hotel ang isa pang South Korean, si Park Panho. Madaling araw naman nitong Lunes nang dukutin si Yeum sa kaparehong hotel din.
“The victims were kidnapped on different dates and hauled to a safehouse owned by casino loan shark lender Ernesto Marella,” ani Dumlao.
Sinabi ni Dumlao na kinumpiska pa ni Marella ang mga pasaporte ng tatlo.