Ni: Marivic Awitan

Laro ngayon

(Alonte Sports Arena)

6:30 n.g. -- Meralco vs Star

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

SIMULA na ang umaatikabong bakbakan ng mga koponang naniningala sa finals ng 2017 PBA Governors Cup sa pagbubukas ngayong gabi ng isang pares ng semi-finals series sa pagitan ng Meralco at Star.

Mag-uumpisa ang Game 1 ng best-of-5 series ng Bolts at Hotshots ganap na 6:30 ngayong gabi sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.

Tatangkain ng Meralco na hindi mauwi sa wala ang kanilang pinaghirapan mula noong eliminations hanggang sa quarterfinals duel nila ng Blackwater.

Matatandaang muntik pang nasilat ng Elite ang Bolts kasunod ng pagpasok nito sa playoffs bilang top seed nang burahin ang kanilang bentaheng twice-to-beat sa playoff match.

Ngunit sa huli, nanaig pa rin ang Bolts sa kabila ng pagka-injure ng leading Best Import candidate na si Allen Durham.

Sa kabilang dako, sinandigan naman ng Hotshots ang kanilang depensa upang agad dispatsahin ang NLEX sa quarterfinals.

Bagamat may iniindang sprained ankle, nangako naman si Durham na hindi niya pababayaan ang Bolts at handa siya sa nakatakdang pagtatapat nila ni Star import Kristofer Acox.

“I’ll be ready for Sunday,” ani Durham. “The doctor already got a plan of action and we’ll get back and work on it tomorrow.”

Bukod kay Durham, aasahan din ni Coach Norman Black sa tangkang pagbabalik nila sa finals sina Baser Amer, Cliff Hodge, Ranidel de Ocampo, Chris Newsome, at Reynel Hugnatan.

Sa panig naman ng Hotshots, inaasahan naman ni Coach Chito Victolero upang suportahan si Acox, sina Paul Lee, Ian Sangalang, Justine Melton, Mark Barroca, at Marc Pingris.