Ni: Marivic Awitan

NAGTALA kapwa ng 11-game sweep mula eliminations hanggang finals upang mapanatili ang hawak nilang titulo ang College of St Benilde men’s team at San Beda College women’s squad para muling umuwing kampeon sa katatapos na NCAA Season 93 table tennis tournament sa Harrison Plaza Activity Center sa Manila.

Sa pamumuno ni tournament MVP Ryan Rodney Jacolo, winalis ng Blazers ang elimination round hanggang finals kung saan tinalo nila ang second seed at most winningest men’s squad sa liga na Letran Knights upang makopo ang ika-apat na sunod nilang titulo sa paggabay ng men’s division Coach of the Year na si Rudolph Palermo.

Nakatuwang ni Jacolo sa nabanggit na season sweep ang mga kakamping sina Serknight Benoy, Joshua Padilla at James S6.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ikalimang sunod na women’s title naman ang kinopo ng Lady Red Paddlers sa ilalim ni coach Kurt de Guzman.

Gaya ng Blazers, nagtala rin ang Lady Red Paddlers sa pamumuno ng tinanghal na MVP na si singles specialist Abrianne Dominique Nuevo na hindi nakatikim ng pagkatalo sa kabuuang ng torneo ng 11-game sweep kabilang na ang finals victory nila kontra runner-up at dating 8-time champion St. Benilde Lady Blazers.

Ang iba pang miyembro ng Lady Red Paddlers ay sina Angelica Sanchez, Kryslyn Mañez at Rismae Bernal.

Tumapos lamang na pangalawa sa eliminations sa topseed San Sebastian College, tinalo ng Junior Red Paddlers ang Letran Squires bago ginapi ang fourth seed Arellano University Braves sa finals.