Ni: Clemen Bautista
ISANG mahalagang araw ang ika-26 ng Setyembre para sa lalawigan ng Rizal, sapagkat pagdiriwang ito ng Ikaapat na Anibersaryo ng YES (Ynares Eco System) To Green Program. Ang pagdiriwang ay gagawin sa Ynares Center sa Antipolo.
Ang selebrasyon ay pangungunahan nina Rizal Gov. Nini Ynares, Vice Gov. Dr. Rey San Juan Jr., mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, mga mayor sa 13 bayan at isang lungsod, mga opisyal ng barangay, mga guro at mag-aaral, mga environmentalist at iba pang panauhin.
Ang YES To Green Program ang flagship project ni Gov. Nini na inilunsad ng pamahalaang panglalawigan na may kaugnayan sa pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan. Sinimulan noong Setyembre 26, 2013 sa Ynares Center, kasabay ng paggunita sa ikaapat na taon ng paggunita sa bagyong ‘Ondoy’—na isa ang Rizal sa mga sinalanta noong Setyembre 26, 2009, na may 172 Rizalenyo ang namatay at halos nalugmok ang probinsiya.
Tampok na bahagi ng pagdiriwang sa ikaapat na anibersaryo ng YES To Green Program ang pagkakaloob ng pagkilala at parangal sa mga bayan, mga barangay at mga paaralan na nakasunod at nagtagumpay sa iba’t ibang kategorya sa programang nakapaloob sa YES To Green, tulad ng “Cleanest Waterways”, isang bayan sa unang distrito, isa sa ikalawang distrito ng Rizal at isang barangay sa Antipolo City; “Cleanest Barangay” na may isa sa unang distrito, isa sa ikalawang distrito ng Rizal, at isa sa Antipolo City; at “Most Disaster Resilient Barangay” sa isa sa unang distrito, isa sa ikalawang distrito, at isa rin sa Antipolo City.
Pagkakalooban din ng pagkilala ang napiling “Best Functional Barangay Material Recovery Facilities (MRF)” na isa sa unang distrito, isa sa ikalawang distrito, at isang barangay sa Antipolo City. Bibigyan din ng pagkilala ang mga paaralan na napiling “Luntian Paaralan at Malinis na Kapaligiran”, at sa una at ikalawang distrito ng Rizal, ang napiling “Top Performer” o kampeon sa YES To Green Program.
Pagkakalooban din ng Certificate at Cash Incentive ang Rizal National Science High School dahil sa pagwawagi ng kanilang estudyante sa “World Invention Creativity Contest” sa South Korea, at sa International Cansat Competition sa Singapore. Ihahayag din at pagkakalooban ng pagkilala at gantimpala ang tatlong pintor sa Rizal na nagwagi sa idinaos na YES To Green Program painting contest.
Ang pagdiriwang ng ikaapat na anibersaryo ng YES To Green Program ay inihudyat ng province-wide tree planting at paglilinis noong Setyembre 23. Sa Angono, ang pagtatanim ng mga puno ay ginawa sa Lakeshore Park sa Barangay San Vicente, na nasa tabi ng Laguna de Bay. Sa Antipolo, nag-clean-up drive sa Hinulugang Taktak, at pagtatanim ng mga puno, gayundin sa tabi ng ilog ng Bosoboso, ilog ng San Ysidro, ilog ng Binayoyo, at ilog ng Tayabasan.
Sa Jalajala, ayon kay Mayor Ely Pillas, ang pagtatanim ng mga puno ay ginawa sa sampung barangay, kabilang na sa Sipsipin, First District, Second District, Third District, Bagumbong, Palay-Palay, Punta, Bayugo at sa Bgy. Paalaman na nasa bundok. Sa Binangonan, ang pagtatanim ng mga puno, na pinangunahan ni Mayor Cesar Ynares at ng mga empleyado ng munisipyo, ay ginawa sa Cequena creek sa Bgy. Macamot. Nagtanim din ng mga puno sa 17 barangay sa Talim Island.
Ang YES (Ynares Eco System) ay may anim na component, ayon kay Gov. Nini, tulad ng paglilinis, pagtatanim ng mga puno, recyling o tamang waste management, environmental protection at tourism.
Sa paglilinis ng kapaligiran, maiiwasan ang mga pagbaha, at mapangangalagaan ang Laguna de Bay na pinagkukunan ng pagkain ng mga mangingisda na ngayon, kahit pa mababaw na ito dahil sa siltation.
Kailangang magtanim ng mga puno upang maging malinis ang hangin, mabawasan ang epekto ng climate change, magkaroon ng pagkain at maiwasan ang soil erosion o pagguho ng lupa. Sa recyling, matutulungan ang mamamayan, sapagkat may pera sa basura.
Naniniwala si Gov. Nini na sa patuloy na pakikipagtulungan ng mga Rizalenyo sa YES To Green Program ay patuloy rin itong magtatagumpay at maipakikita ang pagmamalasakit sa kapaligiran at sa ating Inang Kalikasan.
Hindi tayo mapatatawad ng kalikasan sapagkat ang bawat paglapastangan natin sa Inang Kalikasan ay may katapat na kaparusahan.