Ni: Czarina Nicole O. Ong at Rommel P. Tabbad

Nagsampa ng reklamo ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) laban kay Senator Ana Theresia “Risa” Hontiveros sa Office of the Ombudsman para sa wiretapping, kidnapping at obstruction of justice kaugnay ng pamamaslang kay Kian Loyd delos Santos.

Senator Rissa Hontiveros talks is seen during a session at the Session Hall at Senate of the Philippines in Pasay City on Monday. (JOHN JEROME GANZON)
Senator Rissa Hontiveros talks is seen during a session at the Session Hall at Senate of the Philippines in Pasay City on Monday. (JOHN JEROME GANZON)

Isinaad nina Atty. Eligio Mallari, Atty. Nestor Ifurong, at Atty. Jacinto Paras ng VACC sa complaint-affidavit na noong ikatlong linggo ng Agosto ngayong taon ay hinimok ni Hontiveros ang ilang menor de edad—isang 13-anyos, isang siyam na taong gulang, at isang anim na taong gulang—na umalis sa bahay ng kanilang mga magulang.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Kinumbinsi rin umano ng senadora na sumama ang mga kapatid ng mga ito na sina Audreylyn Concepcion, 22; at Ryan Concepcion, 21 anyos. Dinala niya ang mga menor at ang mga kapatid ng mga ito, pawang saksi sa pagkamatay ni delos Santos, sa lihim na lugar na hindi ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.

Sa kabila ng pakiusap ng Public Attorney’s Office (PAO) at ng kanilang mga magulang, tumanggi si Hontiveros na isuko ang mga saksi sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) o sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DoJ).

Sa reklamo, sinabi ng VACC na si Hontiveros ay dapat kasuhan ng tatlong bilang na paglabag sa Anti-Wiretapping Law o R.A. 4200 “by using a device (camera) to secretly record a private communication between a certain Cong. Jing (former Congressman Jacinto Paras) and Secretary Vitaliano Aguirre consisting of exchange of text messages between the two.”

Dapat din umanong kasuhan ang senadora sa paglabag ng Presidential Decree 1829, ayon sa VACC, sa pagharang upang makamit ang katarungan at makasuhan ang mga kriminal. Sa nasabing batas, hindi pinahihintulutan ang sinuman na pumigil sa mga saksi upang maging testigo sa anumang criminal proceeding o sa pag-uulat sa nasaksihang krimen.

Gusto ring kasuhan ng VACC si Hontiveros sa paglabag sa Sections 270 at 271 ng Revised Penal Code. Ang Section 270 ay para sa kidnapping at kabiguang maibalik ang isang menor de edad, samantalang ang 271 ay sa paghimok sa minor na umalis ng bahay.

Si Hontiveros ay mahaharap din sa paglabag sa Section 10, R.A. 7610 at Section 10(a) of R.A. 7610, sa kapabayaan, pag-abuso, pagmamalupit o exploitation at iba pang kondisyon sa paglabag sa paglaki ang normal ng isang bata.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Hontiveros na ang reklamo ay hindi dapat bigyan ng importansiya dahil ito ay “a desperate attempt to deflect public attention away from their text conversation inadvertently captured by someone’s camera lens, which caught them red-handed plotting against me during a Senate hearing inside the Senate.”