Ni SAMUEL P. MEDENILLA

Naghahanda na ang National Movement for Free Elections (NAMFREL) para sa huling pagsisikap na tutulan ang napipintong suspensiyon ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 23.

Sinabi kahapon ni NAMFREL secretary general Eric Alvia na sisikapin nilang kumbinsihin ang mga miyembro ng bicameral conference committee ng Kongreso na ibasura ang panukalang batas na inililipat ang petsa ng BSKE sa ikalawang pagkakataon.

Unang sinuspinde ng Kongreso ang BSKE noong 2016.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

“There is still the bicam so we will appeal our case and submit to their collective wisdom to reconsider,” anang Alvia.

Nitong unang bahagi ng buwan, inaprubahan ng mga miyembro ng Kamara at Senado ang kani-kanilang bersiyon ng panukala, na naglalayon na muling ipagpaliban ang BSKE sa Mayo 2018.

Kapag naisabatas, ang mga kasalukuyang opisyal ng barangay ay magsisilbi sa holdover capacity hanggang sa susunod na BSKE.

Tanggap naman ni Alvia ang ganitong probisyon ng panukala, ngunit iginiit na mas nais nilang matuloy ang BSKE sa susunod na buwan.

“One win for democracy — no appointment — is good, but to conduct elections as scheduled would be better,” anang Alvia.

Pursigidong tinututulan ng NAMFREL ang patuloy na suspensiyon ng BSKE dahil hinaharang nito ang mga tao na makaboto ng kanilang mga nais na opisyal ng barangay at ginagawang katanggap-tanggap ang “no election scenarios”.