EXCITED na ang fans sa television comeback ni Maricel Soriano sa pamamagitan ng Maalaala Mo Kaya ngayong gabi kasama si JC de Vera. Gaganap sila sa nakakaantig na kuwento ng mag-inang higit pa sa dugo ang ugnayan.
“Nu’ng binasa ko ‘yung script, iyak ako nang iyak, sabi ko bakit kaya. Sobrang mabigat sa puso,” sabi ni Maricel nang kapanayamin ng TV Patrol.
Dagdag pa ng Diamond Star, mahalaga at madamdamin ang mensaheng nais iparating ng episode sa mga manonood.
“Huwag natin ikakahiya kung sino tayo, kung ano tayo, at kung ano ang pinanggalingan natin. Wala tayong kahit na ano kung hindi ang ating sariling pangalan kaya huwag itong dudungisan,” aniya.
Labing-apat na taon na ang nakakaraan nang huling magbida si Maria sa MMK at 2013 naman nang huli siyang mapanood sa Star Cinema movie a Girl Boy Bakla Tomboy.
Sa kuwento, gagampanan ni Maricel ang papel ni Guily. Bata pa lang ay minahal na ni Guily na parang tunay na anak si Jayson (JC). Hindi naman naging mailap ang katotohanan sa bata dahil napansin nito na magkaiba ang apelyido nila, kaya agad namang inamin ni Guily na inampon niya ito mula sa kanyang pamangkin.
Simula noon, naging malakas ang hangarin ni Jayson na makita ang tunay na ina. Buong puso naman itong nauunawaan ni Guily dahil bilang anak sa labas lumaki rin siyang hiwalay sa tunay na pamilya.
Isang araw, nagpasya si Guily na tulungan si Jayson sa paghahanap sa tunay nitong ina na si Chona (Dimples Romana).
Ano ang mangyayari sa kanilang pagtatagpo?
Makakasama rin nina Maricel, JC at Dimples sa episode na ito sina Lito Pimentel, Lui Villaraz, Menggi Cobarrubias, Louise Abuel, Raikko Mateo, Michael Roy Journales, Wynril Banaag, at Perry Escaño, mula sa panulat ni Jaymar Santos Castro at sa direksiyon ni Dado Lumibao.