Nina CHARISSA M. LUCI-ATIENZA at LEONEL M. ABASOLA

Posibleng reenacted o lumang budget ang gagamitin ng pamahalaan sa susunod na taon sakaling hindi magkasundo ang Kamara at Senado sa ilang isyu sa panukalang P3.767 trilyon national budget sa 2018.

Inaasahan ni Siquijor Rep. Rav Rocamora ang deadlock sa deliberasyon ng bicameral conference panel matapos bigyan ng Kamara ng P1,000 budget ang Commission on Human Rights, Energy Regulatory Commission (ERC) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP). Si Rocamora ay bumoto kontra sa P1,000 budget para sa CHR.

Sinabi ng miyembro ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) party ni Pangulong Rodrigo Duterte na mahihirapan ang bicameral conference committee na mapagtugma ang magkakahiwalay na bersiyon ng Kamara at Senado sa panukalang national budget dahil iginigiit ng Mababang Kapulungan ang P1,000 budget para sa CHR.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Pag nag-insist ang Senate sa P5.091 million budget and on the other hand the House will insist on the P1,000, may impasse d’yan so that means ang mangyari d’yan, ma-reenacted,” sinabi ni Rocamora sa panayam sa radyo.

“If reenacted, what will happen is that the CHR will have bigger budget because the agency had a budget of P700 million last year or for 2017,” paliwanag niya.

Nangako ang Senado, sa pangunguna ni Senate President Aquilino Pimentel III, na ibabalik ang panukalang P678M budget ng CHR para sa 2018 at kokontrahin ang posisyon ng Kamara.

Tiniyak ni Sen. Loren Legarda, chairman ng Senate Finance Committee, na makukuha ng bawat ahensiya ang kanilang panukalang budget.

“I assure you that there will be no agency with no budget,” ani Legarda.

Inaprubahan ng Mataas na Kapulungan ang hiling na P678M budget ng CHR, P365M ng ERC at P1.2B ng NCIP.

“I’m sure na magko-caucus kaming lahat, because as far as the Senate is concerned, ito po ay napasa na pero siyempre dapat magkatugma ang Mababang Kapulungan at ang Senado,” diin ni Legarda.

“Who can operate with P1,000? I think that was supposed to be a political statement,” aniya pa.