Ni: Vanne Elaine P. Terrazola

Ibabalik ng mga senador ang P351 milyong budget ng Energy Regulatory Commission (ERC) para sa 2018 sa kabila ng desisyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na bigyan ng kakarampot na P1,000 alokasyon ang ahensiya dahil sa isyu ng katiwalian.

Sinabi nitong Huwebes ni Senador Sherwin Gatchalian, chair ng Senate Committee on Energy, na hindi sang-ayon ang kanyang mga kasamahan sa Senado sa posibleng pagbuwag sa ERC at ipaglalaban nila na maibalik ang panukalang budget para sa susunod na taon.

“The general sentiment is magkaroon ng regulator,” anang Gatchalian sa mga mamamahayag nang tanungin tungkol sa opinyon ng mga kapwa niya senador kaugnay sa pagbawas ng pondo ng ERC.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“In fact, there is a proposal to increase their budget, because they lack manpower. We have discussed how we will raise the budget so they can hire more experts,” sabi pa niya.

Binigyang-diin ni Gatchalian, ang komite ay inaprubahan na ang P350.95M panukalang budget ng ERC, na mahalaga ang kontrobersiyal na ahensiya lalo na sa mga konsumidor ng elektrisidad.

“It’s an important regulator in the energy sector. Ang aking kinakatakutan, dahil wala tayong regulator, wala tayong bagong supply ng kuryente… By next year, wala tayong papasok na bagong supply ng kuryente… apektado ang negosyo, ang taong bayan, industriya. Problema sa ating ekonomiya,” aniya.

Kaugnay naman sa kontrobersiyang bumabalot sa ahensiya, sinabi ng senador na ang desisyon ng Kamara na bigyan ng kakarampot na budget ang ERC para sa susunod na taon ay masyadong malupit.

“I think it’s too drastic. Let’s also remember na hindi lang ERC ang mape-penalize kundi tayong lahat na gumagamit ng kuryente,” anang Gatchalian pagkatapos ang budget hearing nitong Huwebes.

Ayon kay Gatchalian, sinusuportahan niya ang imbestigasyon ng Mababang Kapulungan sa diumano’y katiwalian sa ERC ngunit ang dapat na managot lamang ay ang mga sangkot na opisyal.

“’Pag in-abolish yung ERC, yung 400 employees na wala namang kinalaman sa kurapsiyon, mawawalan ng trabaho,” aniya.