Handa si Senator Antonio Trillanes IV na lumagda sa bank waiver kaugnay ng sinasabing “offshore bank accounts” na pag-aari niya, gaya ng ibinunyag ni Pangulong Duterte nitong Sabado ng gabi.

“I categorically deny the allegation. I don’t own even a single offshore account,” sinabi ni Trillanes sa panayam kahapon sa isang istasyon ng radyo. “I am willing to sign waivers for such accounts.”

Ayon kay Trillanes, nagbukas siya ng personal bank account bago siya makulong noong unang bahagi ng dekada 2000.

“Nag-open ako ng personal account nung bago pa ako nakulong… I couldn’t even remember kung papaano mag-open ng bank account,” ani Trillanes.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Matatandaang sinabi ng Pangulo nitong Sabado ng gabi na ilalantad niya ang mga bank account ni Trillanes sa ibang bansa.

Ngunit kasabay ng pagpayag ng senador ay muli niyang iginiit ang hamon sa Pangulo at sa anak nitong si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte na lumagda rin sa bank waiver.

Matatandaang tumanggi ang bise alkalde at bayaw nitong si Atty. Mans Carpio nang hamunin sila ni Trillanes na pumirma ng bank waiver kaugnay ng alegasyon ng senador na may mahigit P100 milyon sa mga bangko sa Davao City ang magbayaw.

“Pipirma ako kaagad ng waiver para sa AMLC [Anti-Money Laundering Council] at para sa Ombudsman, at iimbitahan ko ang fact-finding team ng Ombudsman. At kung may media na sasama sa bangko na na-identify nila d’yan…at magwo-walk in kami. At doon mismo, makita kung ano talaga ang laman ng mga account na ‘yan,” sabi pa ni Trillanes.

Sinabi ng senador na sa ganitong paraan ay malilinis niya ang kanyang pangalan at mapatutunayan niya umano kung gaano kasinungaling si Pangulong Pangulo, at kung paano umano nito ginagamit ang kapangyarihan ng gobyerno para manira at mang-harass ng political opposition. - Leonel M. Abasola