NADOMINA ng San Beda ang Perpetual Help, 3-1, para masungkit ang top seeding, habang nakatabla ang Lyceum of the Philippines University sa liyamadong Jose Rizal, 2-2, sa pagtatapos ng elimination round at masungkit ang No.2 spot sa 93rd NCAA chess tournament nitong weekend sa LPU auditorium.

Naitala nina Bryan Barcelon at Dave Patrick Dulay ang panalo sa huling dalawang board kontra kina McDominique Lagula at Prince Mark Aquino, habang nakatabla sina Kim Zsofia Dejayco at Carl Kevin Manguera sa top two boards para sa kabuuang 30 puntos matapos ang siyam na rounds.

Sa kabila ng pagkawala ng kanilang top board player na si Jonathan Jota, sumasabak sa ‘Battle of Grandmasters’ sa Makati City, nagawang maisalba ng Pirates ang kampanya laban sa Bombers para sa kabuuang 26 puntos.

Sina Jhun Aballa at Tristan Valdez ang nakapanalo sa JRU.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Hiniya naman ng College of St. Benilde ang Mapua mula sa panalo nina Prince Kenneth Reyes, Nelson Busa, Jr. at Daryl Unix Samantila sa huling tatlong boards, habang tumabla si Gino Cabual kay Aldus Brent Austria sa top board para sa 3.5-.5 panalo.

Nakopo ng Blazers ang No. 3 na may 25.5 puntos.

Nakumpleto ng Arellano U ang Final Four cast nang pabagsakin ang San Sebastian, 3-1, na may 24 puntos.

Haharapin ng San Beda ang Arellano U, habang sasabak ang LPU sa St. Benilde sa semifinal match kung saan hawak ng dalawang nangungunang koponan ang twice-to-beat edge.

Sa juniors’ action, magtutuos ang No. 1 Letran at No. 4 Arellano U, habang magkakasubukan ang No. 2 San Beda at No. 3 Perpetual Help sa kanilang Final Four match.