Nina ROMMEL P. TABBAD at ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

Sinasabotahe ng Philippine National Police (PNP) at ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sarili nilang kampanya laban sa ilegal na droga sa bansa.

Ito ang alegasyon kahapon ng dating Commission on Human Rights (CHR) chairperson na si Loretta “Etta” Rosales.

Ang reaksyon ni Rosales ay kasunod ng naging pahayag ng Pangulo nitong Biyernes na may nananabotahe sa kampanya ng PNP laban sa droga kaugnay ng magkakasunod na pamamaslang sa tatlong teenager na sina Kian Loyd delos Santos, 17; Carl Angelo Arnaiz, 19; at Reynaldo De Guzman, 14-anyos.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“’Yung pinaka-enforcers mo (Duterte) ang siyang nanabotahe ng iyong programa. Pero pinoprotektahan naman niya ang mga pulis,” sabi ni Rosales.

“Tama naman si Ombudsman Conchita Carpio Morales, he goads them. Dahil ang daming ebidensiya; [katwirang] ‘Nanlaban kasi, kung walang baril, bigyan mo ng baril, sabihin mo utos ni Mayor ‘to.’ ‘Yun ang sinasabi niya na in other words, plant evidence. Para ma-justify ‘yung fighting in self-defense,” paliwanag ni Rosales.

Sa pahayag naman ng Malacañang kahapon, sinabi nitong hindi na nakagugulat kung may mga mananabotahe sa drug war ng Pangulo upang siraan ang administrasyon.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, grabe ang naging epekto ng drug war sa mga makapangyarihang narco-politician at mga drug lord na dating kumikita nang limpak-limpak bago ipinatupad ang drug war.

“It should not come as a surprise that these malignant elements would conspire to sabotage the President’s campaign to rid the Philippines of illegal drugs and criminality, the centerpiece program of the administration, to succeed, which may include creating scenarios stoking public anger against the government,” saad sa pahayag ni Abella.

Aniya, dapat lang na pagdudahan at masusing imbestigahan ang pagkamatay nina delos Santos, Arnaiz at De Guzman.

Matatandaang ipinagtanggol ni Pangulong Duterte nitong Biyernes ng gabi ang mga pulis kaugnay ng brutal na pagpatay kay De Guzman, na may 28 saksak sa katawan at nakabalot ng packaging tape ang ulo nang matagpuang nakalutang sa sapa sa Nueva Ecija.

“Alam ko ang pulis magbaril ‘yan, if at all, o sabihin mo extrajudicial killings, pero hindi magbalot ‘yan ng [tao],” anang Pangulo. “That is not the job of the police. Anak ng… So, meron d’yan nagsasabotahe.”