Ni: Bert de Guzman

TINIYAK ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na sa usapan at kasunduan sa planong pagsasauli ng umano’y bilyun-bilyong dolyar na nakaw na yaman ng pamilya ni ex-Pres. Ferdinand E. Marcos, bibigyang-prayoridad at uunahin ang interes at kapakinabangan ng bansa ng mga mamamayan.

Sinabi ni Mano Digong na pangunahin ang kapakanan, kabutihan at kagalingan ng Pilipinas at ng mga Pilipino bago pumasok sa kasunduan ang gobyerno tungkol sa pagbabalik ng umano’y ill-gotten wealth ng mga Marcos, kabilang ang mga ginto, na ayon kay ex-Mayor at ngayon ay Buhay Party-list Rep. Lito Atienza ay aabot sa 7,000 tonelada batay na rin sa pahayag sa kanya noon ni ex-First Lady at ngayon ay Ilocos Norte Rep. Imelda R. Marcos.

Nagdududa ang taumbayan sa mga pagdinig ng Senado at Kamara tungkol sa anomalya sa Bureau of Customs (BoC) na pinagpuslitan ng bultu-bultong shabu na nagkakahalaga ng P6.4 bilyon. Walang mangyayari at pag-aaksaya lang ng panahon, oras at salapi ang imbestigasyon kung ang invited guest o resource person (testigo) ay pabagu-bago ang pahayag at testimonya.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ganito ang waring nangyayari ngayon sa kaso ni BoC broker Mark Taguba, na sa pagtestigo sa Senado ay idinawit sina DAvao City Vice Mayor Paolo “Pulong” Duterte at lawyer Mans Carpio, ginoo ni Davao City Mayor Sara Duterte. Nitong huli, binaligtad niya ang unang pahayag at sinabing hindi niya direktang idinadawit ang dalawa sapagkat tsismis lang o narinig lang niya ang pangalan nina VM Duterte at Carpio tungkol sa Davao Group na nagpapalusot ng cargo shipments sa BoC.

Tungkol sa hamon ni Sen. Antonio Trillanes IV na paharapin sa Senate Blue Ribbon Committee sina Pulong at Mans, sinabi ni Davao City Mayor Sara Duterte na hinihintay lang nila ang official invitation mula sa Senado. Pero, mukhang hindi makatatanggap ng pormal na imbitasyon sina Pulong at Mans dahil atubili si Sen. Richard Gordon, chairman ng komite, sa mungkahi ni Trillanes na ipatawag ang dalawa para magpaliwanag.

Itinanggi nina VM Duterte at Carpio na sila ay kabilang sa tinatawag na Davao group na nagpa-facilitate umano sa pag-rerelease ng mga kontrabando sa BoC. Sa kabilang dako, handang magbitiw si PDU30 sa puwesto basta may ebidensiya si Trillanes na sangkot ang anak sa BoC smuggling. Para sa Pangulo, ang alegasyon ni Trillanes hinggil sa kurapsiyon at influence peddling laban kay Pulong at sa manugang na si Mans ay “trash” o basura.

Samantala, inamin ni ex-BoC commissioner Nicanor Faeldon na minsan ay nakipagpulong sa kanya si Mans Carpio sa kanyang tanggapan sa Port Area, Manila. “I met with Mans who is my brother in the fraternity, only once, not five times as alleged by Sen. Antonio Trillanes, “ayon kay Faeldon. Nakipagkita raw sa kanya si Carpio tungkol sa problema ng kanyang kliyente sa Customs na may kontrata at ang kargamento ay dapat na ma-examine. Sinabihan daw niya si Mans na walang siyang magagawa tungkol dito.

Bakit takot na takot ang mga senador at kongresista na sumalungat o pumuna kay Pres. Rody? Ayon sa ilang political analyst, natatakot ang mga mambabatas na punahin ang Pangulo o kaya’y magpahayag ng opinyon laban sa kanya sapagkat kasama sila sa Napoles PDAF List. Baka raw sila hiyain at ibunyag ng Pangulo na sangkot sa P10-billion pork barrel scam ni Janet Lim-Napoles.