Binatikos ng samahan ng mga tindero at biyahero ng isda sa Quezon City si Navotas City Fish Port (NCFP) manager Miguel Lamberte, Jr. dahil sa diumano’y napakamahal na singil sa identification (ID) card para makapasok sa naturang daungan.
Ayon kay Jimmy Lintoco, presidente ng San Roque Vendor’s Association (SRVA) sa Quezon City, walang naging abiso o ginawang konsultasyon si Lamberte bago ipinatupad ang sistemang “No ID, No Entry” sa fish port complex.
“Sobrang mahal ng ID na ‘yun. Biruin mo, magbabayad ka na sa pagpasok at paglabas ng fish port, tapos ay sisingilin ka pa sa ID ng mahal,” himutok niya.
Reklamo naman ni Alex Cleofe, mamimili ng isda sa Navotas, inabot siya ng 13 oras sa pila para lamang makakuha ng naturang ID na nagkakahalaga ng P224.
“Ang tagal at pahirapan ang pagkuha ng ID. Pumila ako ng 9:00 ng umaga at natapos ako, 10: 00 na ng gabi,” aniya. - Rommel P. Tabbad