NAGBALIK na kahapon ang ating mga atleta mula sa Southeast Asian Games (SEAG) sa Kuala Lumpur, Malaysia, kung saan naghakot sila ng 24 na gold, 33 silver, at 64 bronze medals.
Bago pa man ang pambungad na seremonya nitong Agosto 19, isang Cebuana ang nanalo na ng gintong medalya sa women’s marathon, at makalipas ang dalawang araw ay dalawang gold at dalawang silver na medalya naman ang nasungkit ng Pilipinas sa men’s at women’s triathlon. Tinalo rin ng ating basketball team ang lahat ng nakalaban nila sa larong pinakatanyag sa bansa. Sorpresa ring nakakuha ng gintong medalya ang Pilipinas sa ice hockey, isang larong hindi pa natin nagawa sa alinmang pandaigdigang kumpetisyon.
Marami pang gintong medalya ang napanalunan ng ating mga atleta sa mga sumunod na araw sa athletics, gymnastics, wushu, fencing, boxing, lawn balls, billiards, equestrian, taekwondo, judo, at pencak silat.
Humakot din tayo ng silver medals sa archery, athletics, gymnastics, wushu, fencing, sepak takraw, boxing, lawn balls, karate, swimming, squash, bowling, billiards, tennis, equestrian, taekwondo, ice skating, at sailing.
Mayroon din tayong mga tansong medalya sa archery, athletics, gymnastics, fencing, sepak takraw, boxing, lawn balls, golf, shooting, karate, table tennis, swimming, squash, bowling, billiards, tennis, taekwondo, cycling, judo, waterskiing, ice skating, sailing, pencak silat, at muaythai.
Karapat-dapat na purihin ang mga pagwawaging ito. Gayunman, ang standing ng Pilipinas sa nakamit na 24 na gold, 33 silver, at 64 bronze, ay nagpuwesto lamang sa atin sa ikaanim sa 11 bansang nagpaligsahan, kasunod ng Malaysia, Thailand, Vietnam, Singapore, at Indonesia. Kampeon naman ang Malaysia na may 145 gold, 92 silver, at 86 bronze medals.
Ang Southeast Asian Games ang pinaka-hindi competitive sa lahat ng international multi-event sports competitions sa mundo. Ipadadala naman natin ang ating mga atleta sa Asian Games na sasalihan ng 46 na bansa, kabilang ang China, Japan, South Korea, at Iran. At lalahok din ang Pilipinas sa Olympic Games na sasalihan ng 207 bansa, at karaniwan nang namamayagpag dito ang mga atleta mula sa Amerika, Russia, Germany, at United Kingdom.
Hindi pa tayo nanalo ng gintong medalya sa Olympics. Ang pinakamataas na napanalunan natin ay dalawang silver medals sa boxing. Ngunit patuloy tayong umaasa na masusungkit ang mailap na ginto, marahil mula sa ating mga boksingero.
Gayunman, higit sa pag-asam ay mahalagang pagsikapan natin ito. Dapat na mabatid natin kung paano pinag-iibayo ng ibang mga bansa ang kani-kanilang sports program, kung paano nila nadidiskubre ang mahuhusay na potensiyal na atleta at kung paano sinasanay ang mga ito para sa mga pandaigdigang kumpetisyon. Mayroon tayong Philippine Sports Commission na pinopondohan ng gobyerno, at nariyan din ang Philippine Olympic Committee, ngunit napabalitang hindi nagkakatulungan ang dalawang ahensiya.
Panahon na marahil na suriin ang kanilang mga operasyon at tuklasin kung paano nila mapag-uugnay ang kani-kanilang mga programa para sa pagpapaunlad ng palakasan sa Pilipinas at papag-ibayuhin ang malamya nating record sa mga pandaigdigang kumpetisyong pampalakasan.