Balangui, mag-isang Pinoy na nakasikwat ng medalya sa Universiade.

TAIPEI -- Wala mang gintong medalya sa kanyang leeg, uuwing bayani si wushu jin Jomar Balangui.

Naisalba ng 29-anyos mula sa University of Baguio ang pagkabokya ng Team Philippines sa 29th Summer Universiade nang makamit ang silver medal sa men’s sanda 52kg event ng martial arts discipline.

UNIVERSIADE copy

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Matikas na nakihamok si Balangui, ngunit sadyang mas matikas ang karibal na si Peng Yuan ng China sa kanilang final bout – huling event sa pagtatapos ng tinaguriang ‘Olympics’ para sa mga estudyanteng atleta.

“I did my best,” pahayag ni Balangui, nakasiguro ng silver medal nang magwagi kay Ray Enriquez ng United States, 2-0, sa semifinals.

Sa ikaapat na edisyon ng biennial meet, ang pagsabak nang mga piling student-athlete ay sanctioned ng Federation of School Sports Association of the Philippibes (FESSAP), sa pakikipagtulungan ng San Miguel Corp., Bestank at Garfield Sportswear.

Sa 58 taong kasaysayan ng multi-event competition, si Balangui ang ikatlong Pinoy na nakapagwagi ng medalya sa prestihiyosong torneo. Nakahilera niya sina chess GM Wesley So, nagwagi ng tanging gold medal sa kasalukuyan sa 2013 Kazan Universiade at Samuel Thomas Morrison, nakasungkit ng silver sa taekwondo sa 2011 Shenzhen Universiade.

Inoorganisa ang torneo ng Federation Iinternatonale du Sport Universitaire (FISU).

Ikinalugod ni FESSAP president David Ong ang tagumpay ni Balangui, kasabay ang pagbati sa lahat ng miyembro ng 130-athlete delegation na sumabak sa 13 sports.

“It really makes us proud to be a Filipino watching our flag being hoisted during the award ceremony along with China, Korea and the US,” sambit ni Ong.