KUALA LUMPUR — Tagumpay sa sports na hindi pamilyar sa Pinoy at kabiguan kay flag-bearer Kirstie Alora sa taekwondo ang kapalarang sinadlakan ng Team Philippines kahapon sa penultimate day ng 29th Southeast Asian Games dito.

Nakopo ni Dines Dumaan ang gintong medalya sa tanding event ng pencak silat competitions nang gapiin si Firman ng Indonesia sa 45-50kg Class A final sa Bukit Kiara Sports Complex.

Ito ang unang gintong napagwagihan ng pencak silat sa SEA Games mula nang magwagi si Earl Buenviaje sa tanding Class F 70-75kg category noong 2005 edisyon sa Manila.

Bunsod ng panalo, nahila ang gold medal ng Team Philippines sa 24, ngunit kapos pa rin ng lima para pantayan ang nakamit sa Singapore may dalawang taon na ang nakalilipas.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Hindi naman nakalusot si Kirstie Elaine Alora sa mahigpit na karibal na si Sorn Seavmey ng Cambodia na muling nanaig sa Pinoy Olympian, 13-6, sa kanilang duwelo sa women’s -73kg final sa Kuala Lumpur Convention Centre.

Nakatabla si Alora kay Seavmey sa pagtatapos ng first round, 1-1, ngunit sumalakay ang Cambodian sa second round at nakatulong ang ipinataw na penalty sa Filipina jin upang tuluyang makalayo ang karibal.

Ito ang ikaapat na kabiguan ni Alora kay Seavmey, kabilang ang duwelo nila sa gold medal match sa Olympic qualifying sa nakalipas na taon.

“Nahirapan talaga ako. Ilang beses na niya akong tinalo. I think it’s the fourth time. Usually sa finals kami nagtatapat,” sambit ni Alora.

“I did my best,” aniya. I was trying to score and get some points. Siguro kulang pa rin ng follow ups.”

Iginiit din ng two-time SEA Games gold medalist na may ilang pagkakataon na pumabor ang tawag ng referee sa kanyang karibal.

“’Yung mga calls, hindi ko sure kung ano ‘yun but still, referees call. It’s a good fight. I did my best. No regrets,” pahayag ni Alora.

“Nasa-shock lang ako sa mga tawag ng refs. Tagal namin siya pinag-aralan. Nung unang round at second round, lamang ako dun. Last round, naging careless din dahil naghahabol ako ng points.

Naunang ginapi ni Alora si Sirimanotham Sonesavanh ng Cambodia, 13-2, para maisaayos ang gold medal bout kay Sorn.

Nakamit naman ni Francis Aaron Agojo ang bronze nang matalo kay Vietnam’s Nguyen Van Duy, 30-17, sa semifinal.