Ni: Ric Valmonte
SA privilege speech ni Sen. Ping Lacson sa Senado nitong Miyerkules, inihayag niya ang lawak ng kurapsiyon sa Bureau of Customs (BoC). Kinilala niya ang mga bribe-givers, collectors/bagmen at recipients sa BoC batay sa mga impormasyong tinipon niya sa “tara list” at maingat na pinag-aralan. Kinontak ang kanyang opisina, aniya, ng mga opisyal ng BoC, empleyado, broker at maging ng mga civic-minded na indibiduwal na kumukuha ng impormasyon tungkol sa sistema ng tara sa BoC at kung magkano ang tinatanggap ng bawat opisina at opisyal sa bawat container.
Ang mga opisyal daw mula sa mataas na opisina ng ahensiya hanggang sa mga nagmo-monitor ng gate at x-ray machine ay may bahagi sa tara.
Kamakailan, iwinagayway ng Pangulo ang updated “narco-list” na naglalaman naman ng mga pangalan ng mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa ilegal na droga. Ang tawag niya rito ay “death certificate” ng mga taong kasama sa nasabing listahan na kinabibilangan ng mga miyembro ng hudikatura. Ang listahan ay nakabatay sa mga impormasyong nakalap ng iba’t ibang intelligence agency ng gobyerno, ayon sa Pangulo. Kaya, kung may narco-list si Pangulong Digong, tara-list naman ang kay Sen. Lacson.
Nagsisilbing gabay ng Pangulo ang kanyang narco-list sa pagpapairal ng war on drugs. Ayon sa Pangulo, sina Mayor Rolando Espinosa ng Albuera, Leyte at Mayor Reynaldo Parojinog ng Ozamis City, na kapwa napatay sa madugong operasyon ng mga pulis, ay nasa narco-list. Pero, sa walang humpay na pagpatay sa kampanya laban sa droga, ang napatay na at pinapatay ay iyong mga nasa pinakamababang lebel ng drug-trafficking. Sila iyong mga dukha na ginawang pantawid-gutom at pampamanhid ng katawan ang droga upang hindi maramdaman ang epekto ng kahirapan.
Bagamat ang tara-list ni Sen. Lacson ay ukol sa kurapsiyon sa BoC, napakalaki ng kaugnayan nito sa war on drugs ng Pangulo. Isiniwalat ito ni Lacson sa hangarin niyang masugpo ang kurapsiyon sa BoC. Sa pagsugpo ng kurapsiyon, matitigil ang pagpuslit ng mga droga sa bansa. Ito ang nais niya ipahiwatig sa kanyang tanong: “Paano masusugpo ang importasyon ng ilegal na droga sa BoC kung ang sistema ng kurapsiyon ng mga opisyal at empleyado nito ay patuloy naman sa pantalan at paliparan?” Hindi kaya nararapat na iyong mga nasa tara-list ni Lacson ay nasa narco-list din ng Pangulo?