Ni: Alexandria Dennise San Juan

Limang hinihinalang drug personalities ang inaresto matapos mahuli sa aktong bumabatak sa hiwalay na insidente sa Quezon City kamakalawa.

Unang inaresto, sa pagtutulungan ng mga tauhan ng Anonas Police Station (PS-9), sina Rodolfo Sumayao, Jr., 22, at Jojo Segara, 29, kapwa construction worker.

Base sa inisyal na imbestigasyon, namataan ng guwardiya ng Alley Viking store sa UP Town Center, habang nagsasagawa ng routine inspection, na bumabatak ang dalawang suspek dakong 9:30 ng gabi.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Agad inaresto ng guwardiya ang dalawa at narekober sa kanila ang isang pakete na may marka ng hinihinalang shabu at ilang drug paraphernalia.

Samantala, inaresto ng mga tauhan ng Batasan Police Station (PS-6) ang isa pang construction worker, kinilalang si Florence Bulan, 27, kasama sina Cedie Rempillo, 23, at Jonifel Bocala, 21 nang mahuli sa aktong gumagamit ng hinihinalang shabu.

Bago ang pag-aresto, nakatanggap ng tawag ang mga operatiba ng PS-6 mula sa isang concerned citizen tungkol sa umano’y na nagaganap na pot session sa loob ng isang bahay sa Niñada Street, Barangay Commonwealth, bandang 5:00 ng hapon.

Agad ipinadala ang mga pulis sa lugar upang beripikahin ang report at tuluyang inaresto ang tatlo na pawang gumagamit ng droga.

Nakuha sa mga suspek ang ilang pakete ng hinihinalang shabu at marijuana.