NI: Gilbert Espeña

KRUSYAL para kay dating WBO No. 1 super lightweight contender Jason Pagara ng Pilipinas ang panalo kay ex-WBA Pan African welterweight champion Richmond Djarbeng ng Ghana sa Setyembre 16 sa Waterfront Hotel & Casino sa Cebu City.

Nakataya sa laban ang pagkakataon na makaamot sa bibitiwang WBO light welterweight crown ng Amerikanong si Terence Crawford.

Hawak ngayon ni Crawford ang lahat ng titulo sa light welterweight division pero plano niyang hamunin ang mananalo sa rematch nina WBO welterweight champion Jeff Horn ng Australia at Pambansang Kamao Manny Pacquiao.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Biglang bumagsak bilang No. 3 contender si Pagara sa huling WBO rankings kahit halos tatlong taon siyang nakalista bilang No. 1 ranked kaya posibleng may nagmaniobra sa samahan para itala bilang No. 1 ang Amerikanong si Antonio Orosco at No. 2 ang kababayan nitong si Maurice Hooker.

Huling lumaban si Pagara noong Nobyembre 26, 2016 nang patulugin niya si ex-WBC lightweight titlist Jose Alfaro ng Nicaragua sa Cebu Coliseum, Cebu City.

Galing naman si Djarbeng sa walong sunod na panalo, anim sa knockouts, mula nang mapatigil ni bagong WBO welterweight champion Jeff Horn sa PABA, WBA Pan African at WBO Oriental welterweight titles sa Palmerston North, Australia noong 2015.

May kartadang 28-3-1, may 22 panalo sa knockouts si Djarbeng, samantalang si Pagara na dapat naging mandatory contender ni Crawford ay may rekord na 40-2-0, tampok ang 25 knockouts.