Ni: Mary Ann Santiago, Bella Gamotea, at Rommel Tabbad

Kanselado kahapon ang klase sa lahat ng antas sa buong Metro Manila dahil sa pag-ulan at baha na dulot ng habagat na pinaigting ng bagyong ‘Isang’.

Ayon sa Department of Education (DepEd), kabilang sa mga nagkansela ng klase ang National Capital Region (NCR):

Malabon, Maynila, Quezon City, Navotas, Marikina, Parañaque, Caloocan, Valenzuela, Pasay, Las Piñas, Mandaluyong, Pateros, San Juan, Taguig, Pasig, at Muntinlupa.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kanselado rin ang klase sa Cainta, San Mateo, Rodriguez, Taytay, Binangonan, Morong, Antipolo, Angono, Tanay at Teresa sa Rizal; gayundin sa Meycauayan, Obando, Malolos, at Marilao sa Bulacan.

Kinansela rin ang klase sa Bataan at Cavite City, gayundin sa Calamba, Laguna; at Olongapo City at Subic sa Zambales.

Mula pre-school hanggang high school naman ang kinansela sa Baras at Cardona sa Rizal, habang hanggang senior high school naman sa Cavite.

Hanggang elementarya naman ang kinanselang klase sa Abra at Itongon sa Benguet.

Samantala, nakatawid na ng Batanes Group of Islands (BGI) ang bagyong Isang.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), lalo pang lumakas ang bagyo sa nakalipas na 24 oras.

Taglay nito ang hanging 90 kilometer per hour (kph) at bugsong 113 kph.

Sa kabila nito, isinailalim pa rin sa signal No. 1 ang Batanes Group of Islands, Babuyan Group of Islands at Ilocos Norte.