Nina ELLSON A. QUISMORIO at LEONEL M. ABASOLA

Pinag-iisipan ng House Committee on Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Barbers ang kasong kriminal laban kay Bureau of Customs (BOC) Commissioner Nicanor Faeldon.

Ito ang inihayag ni Barbers sa kabila ng sinabi niyang nakatakdang aprubahan ng kanyang panel sa Huwebes ang ulat sa kanilang imbestigasyon sa pagpuslit ng P6.4 bilyong halaga ng methamphetamine hydrochloride o shabu sa bansa.

“Aside from gross negligence and incompetence, the Committee is now studying the possible recommendation to prosecute Commissioner Faeldon and others for their apparent disregard to the strict provisions of the law on the chain in the custody of drug evidence,” anang Barbers kahapon.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Ang tinutukoy ng mambabatas ay ang Dangerous Drugs Act of 2002.

Patuloy ang pagdinig ng komite ni Barbers sa pagpasok ng shipment ng illegal drug sa bansa na dumaan sa shipment lanes ng BOC noong Mayo. Ang kontrabando – idineklarang “kitchen equipment” ng EMT Trading -- ay idinaan sa green lane ng BOC, na hindi gaanong mahigpit ang inspeksiyon.

Ang pagkakamali -- kasama ang gross mishandling ng shabu nang sunod itong masamsam sa joint operation ng BOC at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa bodega ng HongFei Logistics sa Valenzuela City – ay naging dahilan para maniwala ang mga kongresista na patuloy na nagaganap ang katiwalian at anomalya sa ilalim ng pamamahala ni Faeldon.

Sinabi ni Barbers na pananagutin din ng komite si Faeldon at iba pa sa paglusob sa bodega sa Valenzuela “without a proper warrant.”

Nakaabang naman ang sambayanan sa “pasasabugin” ni Senador Panfilo Lacson sa patuloy na pagdinig ng Senado sa P64 bilyong halaga ng shabu na nakalusot sa BOC.

Sinabi ni Lacson marami siyang impormasyon na nagtuturong may kinalaman si Faeldon sa mga kurapsyon sa ahensiya.

Sinasala pa aniya niya ang mga ito at posibleng mailabas niya ito sa pagdinig ngayong araw, o kung hindi man ay sa kanyang privilege speech.

Iginiit naman ng kampo ni Customs Intelligence and Investigation chief Neil Anthony Estrella na may operasyon para sirain ang kanilang imahe kaugnay sa isyu dahil sa mga nasagasaan nilang drug lords.

Wala namang kumpirmasyon pa kung makakadalo sa pagdinig ng Senado ngayon ang sinasabing Davao Group (DG) na pinangalanan ng customs broker na si Mark Taguba sa mga nakalipas na pagdinig.