Ni FER TABOY
Patay ang 12 miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at lima naman sa panig ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) makaraang magkasagupa ang dalawang grupo sa Maguindanao.
Sa report ng Maguindanao Police Provincial Office (MPPO), kinilala ang mga namatay mula sa MILF na sina Mahmod Laguiab, Darix Kendag, Kuzak Ali, Anwar Maulana, at Kalidin Ulama.
Nasugatan naman sa sagupaan sina Batinti Sabidra, Kunyang Guiama, Nasir Talib, at Gerry Bukah, ng MILF.
Sinabi sa report na nakilala ang ilan sa mga napatay na BIFF members sa mga alyas na Salik, Noboh, Amir, Sanged, Mohaimin, Sulah, Tatoh, Pagal, Arsad, Dindih, Musib at Awal.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, isa pang sibilyan ang tinamaan ng mga ligaw na bala mula sa nasabing engkuwentro.
Sinabi ni Senior Supt. Agustin Tello, director ng MPPO, na tumitindi ang palitan ng putok ng MILF Task Force Ittihad at ng grupo ni Esmail Abdul Malik, alyas “Kumander Abu Toraifie”, ng BIFF, sa Sitio Dagading, Baragay Tee sa Datu Salibo.
Ang pagtugis ng MILF Task Force Ittihad sa BIFF ay bahagi ng kasunduan nito sa gobyerno.
“Alinsunod rin ito sa 1997 security pact, the Agreement on General Cessation of Hostilities, to help each other maintain law and order in conflict-flashpoint areas in Mindanao,” ani Tello.
Bukod kay Kumander Abu Toraifie, hinahanting din ng MILF Task Force Ittihad sina Kumander Salahudin Hassan, Kumander Bashir Ungab, Kumander Nasser Adil, at Kumander Ansari Yunos na pawang mga dating pinagkakatiwalaang tauhan ng Malaysian terrorist na si Zulikifli bin Hir, alyas “Marwan”.
Matatandaang napatay si Marwan sa madugong pagsalakay ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Bgy. Tukanalipao sa Mamasapano, na ikinamatay ng 44 na police commando noong Enero 2015.