Ni Reggee Bonoan

HINDI man number one sa box office ang Ang Manananggal sa Unit 23B sa ginaganap na Pista ng Pelikulang Pilipino, masaya pa rin ang producer nitong IdeaFirst Company dahil finally ay naipalabas na ito nationwide at marami na ang nakakapanood kumpara noong nakaraang taon na sa ilang sinehan lang ito naipalabas.

Siyempre, bukod sa producers na sina Direk Jun Lana at Direk Perci Intalan ay masaya rin ang direktor na si Prime Cruz. Ito ang una niyang pelikula, at dahil maganda ang feedback ay kinuha siya ng Star Cinema para idirek ang Can We Still Be Friends nina Gerald Anderson at Arci Muñoz, na naging unang mainstream movie niya.

DIREK PRIME copy copy

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

Sa launching ng IdeaFirst Company Artist Management, nakausap namin nang one-on-one si Direk Prime tungkol sa pagbabalik sa mga sinehan ng unang pelikula niya.

“Masayang-masaya po ako na nagkaroon ng ganitong opportunity kasi expectation po namin ay sa Quezon City lang siya mapapanood, ngayon ipalalabas na po nationwide kaya sobrang saya ko po. Umaasa po ako na mapanood siya ng mas marami,” nakangiting sabi ni Direk Prime.

Diretso naming tanong, nalampasan ba ng Can We Still Be Friends ang unang pelikula nina Gerald at Arci na Always Be My Maybe?

“Actually ang Star Cinema po ang may figures, parang sapat naman po,” napangiting sagot ng direktor.

Natawa si Direk Prime nang binanggit namin na napanood namin ang pelikula at mas nagustuhan namin ang unang pelikula nina Gerald at Arci dahil medyo mababaw ang conflict ng ikalawang pelikula.

Welcome raw sa kanya ang mga komento.

“Siguro po kapag gumagawa po tayo ng pelikula, may hit and miss ganyan, hayun nga po,” tumatawang sabi niya.

So, aminado ba siyang hindi nagtagumpay ang unang mainstream movie niya?

“Ako naman po, actually, happy naman po ako kasi ang pinakamahirap po kasi kapag pumapasok ka sa mainstream, ma-retain mo ‘yung message mo. Kung may pagkukulang man po sa script, I think, ‘yung main message naman po namin ng girlfriend ko (scriptwriter), si Jen (Jenny Chuaunsu), nai-retain naman po, kahit doon lang masaya naman po ako,” paliwanag ng baguhang direktor.

Nabasa raw niya ang lahat ng feedback, positibo man o negatibo, ng mga nakapanood ng Can We Still Be Friends.

“Siyempre ganu’n nga po, kapag may ginawa kang pelikula, magbabasa ka, siyempre po nasaktan ako kapag may mga hindi nagkagusto, iba’t ibang reaksiyon. May mga nagkagusto na ilan, siyempre may mga hindi at ‘pag nababasa mo sa Tweets, siyempre na-affect din ako,” pagtatapat ni Direk Prime.

Binanggit namin na ang magaganda ang review sa Ang Manananggal sa Unit 23B noong una itong mapanood sa Quezon City Film Festival 2016, kaya naikumpara sa unang mainstream movie niya.

“May mga magagandang reviews din naman po sa Can We Still Be Friends, mayroon ding hindi,” banggit sa amin.

Ano ang sabi ng Star Cinema sa kanya sa nangyaring ito dahil ang taas ng unang pelikulang Always Be My Maybe. May mga binago ba sa script?

“Part po talaga, collaboration po talaga once pumasok ka na sa studio siyempre, sila ‘yung nagbabayad, kahit direktor ka, it’s a commissioned work. May say naman po ako as a director, pero sila (Star Cinema) po ‘yung may final say, saka siguro ‘yung time na para tapusin ‘yung pelikula is very limited lang,” kuwento ni Direk Prime.

In fairness, may offer naman daw uli ang Star Cinema kay Direk Prime kahit hindi naging blockbuster ang Can We Still Be Friends.

“May offer naman po, ang nakikipag-usap po sina Direk Jun at Direk Perci (managers niya),” kaswal na sagot sa amin.

Biniro namin na baka kasi first and last na niya...

“Ha-ha-ha, sana meron pa,” sagot ni Direk Prime.

Hiningan din namin ng reaksiyon si Direk Prime sa P320M na kinita ng Kita Kita na ang kasamahan niya sa IdeaFirst Company na si Direk Sigrid Andrea Bernardo ang nagdirihe.

“Feeling ko naman po lahat ng filmmakers, ke indie o mainstream ay pangarap ‘yan, hindi lang po sa pera na aspect, siguro ‘yung fact na merong kuwentong gagawin na malapit sa ‘yo ‘tapos mapapanood at ma-appreciate ng ganu’n karaming tao ‘tapos bago ‘yung ginawa mo. So, lahat po kami, sobrang amazed at sobrang happy sa nangyari, lalo na po ‘yung galing indie. Kasi itong Kita Kita, kakaiba po talaga sa mga napanood na nating rom-com, hindi kino-consider na bankable ‘yung dalawang artista, sina Alessandra (de Rossi) at Empoy (Marquez), pero nag-work. Kaya sana po start na ito... mas maraming maka-appreciate sa ganu’n klaseng kuwento,” reaksiyon ni Direk Prime.

Ano ang mas importante, box office o awards?

“Siguro mas gusto ko pong mapanood at mas ma-appreciate ng maraming taong nakapanood. ‘Yung award naman po, ‘yun ‘yung appreciation ng limang tao na who happened to be judges. Iba pa rin po kasi ‘yung feeling na kasabay mong manood ‘yung isang buong sinehan na naintindihan ka nila, nakikitawa sila sa ‘yo, nakikiiyak sila sa ‘yo. Kaya naiintindihan ko po ‘yung high na nararamdaman ngayon ni Sig sa Kita Kita,” diretsong sagot ng direktor.

Ang next project niya ay ang The Debutants sa Regal Films, pagbibidahan nina Miles Ocampo at Sue Ramirez.