Ni: Celo Lagmay
SA paulit-ulit na pag-ugong ng walang kamatayang isyu na tinaguriang “decades-old multi-billion peso jueteng”, paulit-ulit ko ring binibigyang-diin na ang naturang illegal gambling ay talagang hindi malilipol. Bahagi na ng ating kulturang kasing-tanda na ng panahon na nanatiling kayakap ng nakalipas at ng susunod pang mga henerasyon.
Naniniwala ako na pangunahing dahilan ng pamamayagpag ng jueteng ang walang bagsik o hindi tumatalab na utos ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa pagpuksa ng naturang sugal. Matagal na itong iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa naturang ahensiya at sa iba pang grupo ng mga alagad ng batas subalit ang kinauukulang awtoridad ay tila nanatiling nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan.
Hindi ko matiyak kung hanggang saan na ang narating ng 15-day deadline na itinakda ni PNP Director General Ronald dela Rosa; tahasan niyang binalaan ang mga regional commanders at iba pang opisyal na sugpuin ang nasabing sugal; ang kanilang kabiguan ay nangangahulugan ng paglilipat o pag-aalis sa kanilang puwesto.
Sa naturang command conference, tandisang inamin ng PNP Chief na matamlay ang reaksiyon ng kanyang mga opisyal. Ito marahil ang dahilan kung bakit pati ang pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay nagpahayag ng alinlangan sa pakikidigma ng pulisya sa jueteng. Ang gayong pagpapabaya ay sinasabing nakaaapekto sa implementasyon ng Small Town Lottery (STL) – ang proyekto na makatutulong umano sa paglipol ng jueteng. Hindi ba ang jueteng ay ginawang legal sa pamamagitan ng STL?
Maging si Senador Panfilo Lacson ay naniniwala na mapupuksa lamang ang jueteng kung ang PNP ay magkakaroon ng matinding paninindigan o political will na gawin ang nararapat. Kapani-paniwala ang naturang pahayag, lalo na kung iisipin na si Lacson ay naging PNP Chief at ngayon ay chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs.
Paano nga namang magmamalasakit ang karamihan sa... pulisya – at iba pang opisyal ng local government units (LGUs) – sa paglipol ng jueteng kung mawawala ang payola o suhol mula sa mga gambling operations. Sa pagtaya ni Lacson, umaabot sa P267 milyon isang araw o P96 bilyon isang taon ang payola mula sa jueteng operations. May pahiwatig na ang nasabing halaga ang pinagpapartihan umano ng kinauukulang opisyal. Bukod pa rito ang mga payola na mula naman sa iba pang illegal gambling.
Dahil dito, talagang halos imposibleng masugpo ang jueteng, lalo na kung laging malabnaw ang pagkastigo ni De la Rosa sa kanyang mga tauhan.