Ni Edwin Rollon

MISTULANG bangungot ng kahapon ang ilang ulit na pagkakataon na banderang-kapos ang kampanya ng Team Philippines sa Asian basketball dahil sa South Koreans.

Ngunit, kung meron dapat ipagmalaki ang Pinoy cagers sa Asian basketball, hindi pahuhuli ang koponan na kinabibilangan ni Alfredo ‘Pido’ Jarencio noong 1985 ABC Championship for Men (kilala ngayon bilang Asia Fiba Cup).

jarencio copy

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“Ang 1985 RP Team ang huling grupo (so far) na naging kampeon sa ABC. Masuwerte at kabilang ako sa team na ‘yan.

Medyo matagal na kaya siguro napapanahon na muli tayong maging kampeon,” pahayag ni Jarencio, nang panahong iyon ay itinuturing na mahigpit na karibal sa ‘three-point shooting’ ni Allan ‘The Triggerman’ Caidic na nahirang na MVP nang taon iyon sa ABC.

“Kung ikukumpara sa ibang nabuong team, masasabi kong malakas yung grupo namin,” ayon kay Jarencio.

Sa papel, walang alinlangan ang lakas ng naturang RP Team na tinanghal na kampeon nang walisin ang group elimination hanggang sa championship round para sa dominantent 6-0 karta.

Bukod kay Jarencio at Caidic, miyembro ng RP champion team sina Samboy Lim, Gerry Codinera, Ives Dignadice, Hector Calma, Franz Pumaren, Alfie Almario, Tonichi Yturri, Elmer Reyes at dalawang naturalized player.

“Siguro naman alam na natin lahat kung hanggang saan ang inabot ng aking mga teammates sa basketball at sa PBA,” sambit ni Jarencio.

Iginiit ni Jarencio na nahirapan sila ng todo laban sa South Korea na pinangungunahan noon ng sweet shooting na si Lee Chung-hee.

“After ma-sweep namin ‘yung group elimination against Jordan (81-70), Pakistan (100-51) at Japan (87-70), yung Korean ang una naming nakalaban sa championship round. Nanalo kami by four (76-72) pero yun talaga ang parang susi namin para sa titulo,” pahayag Jarencio.

Nakumpleto ng RP Team ang 6-0 sweep sa liga nang magwagi sa Malaysia (75-65) at China (82-72).

Ngayon, nahaharap muli ang Team Philippines, kilala ngayon bilang Gilas sa matinding hamon, para sa minimithing muling makamit ang titulo sa liga sa pakikipagtuos sa Koreans.

Nagkataon o itinadhana ng panahon?

“Through the years, talagang tinik sa lalamunan natin ang Koreans. I hope mailusot natin ito ngayon at tiyak malaki ang tsansa natin sa muling magkampeon,” pahayag ni Jarencio patungkol sa nakatakdang laban ng Gilas vs Koreans sa quarterfinal phase ng Asia Fiba Cup Miyerkules ng gabi.

Tulad ng 1985 team, winalis ng Gilas ang group phase kontra China (96-87), Iraq (84-68), at Qatar (80-74).

Laban sa Korea, buo ang Gilas sa inaasahang paglalaro ni JuneMar Fajardo, Fil-German Christian Standhardinger at Calvim Abueva na pawang nagtamo ng injury.

“Yung shooting at play ng Korea, standard na ‘yan. Talagang na-perfect nila yan kaya talagang doble tiyaga ang kailangan para malimitahan yung outside shooting. Pag nakalusot tayo sa Koreans, may tsansa na tayo,” sambit ni Jarencio, ngayon ay commissioner ng NAASCU league.