Nina ELLSON A. QUISMORIO at BELLA GAMOTEA
Binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng pahintulot si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano na ipursige ang joint exploration sa China sa pinagtatalunang bahagi ng West Philippine Sea (WPS).
Kinumpirma ito kahapon ni Cayetano sa mga mamamahayag ng House of Representatives (HOR) sa press conference.
“The instructions to us right now is to move ahead,” anang Cayetano, na nakatakdang makipagpulong nang araw na iyon kay Special Committee on the West Philippine Sea Chairman, Quezon City 4th district Rep. Feliciano “Sonny” Belmonte Jr.
“It’s a directive of the President and we need it because Malampaya will run out in hopefully, not less than a decade,” dagdag ni Cayetano.
Ang tinutukoy ng DFA chief ay ang offshore gas platform na nagsu-supply ng 40 porsiyenyo ng kuryente ng Luzon.
Inihayag din ni Cayetano na kumonsulta siya kay Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi kaugnay sa kautusan ng Pangulo.
Pinawi din ni Cayetano ang mga agam-agam ng marami sa joint exploration: “Walang mawawalang territory sa Pilipinas.
Walang mawawalang sovereignty rights.”
Sa pagnanais na maibsan ang tensiyon sa agawan ng teritoryo sa WPS, isinantabi ni Duterte ang napanalunang arbitration case ng Pilipinas sa United Nations, na nagpapawalang-bisa sa pag-aangkin ng China sa halos buong South China Sea (na kinabibilangan ng WPS).
“China has been very consistent, when they met President Cory Aquino in 1986, they bared their requirements for joint exploration and joint development,” banggit ni Cayetano.
WALA LANG
Samantala, idiniin ni Cayetano na walang ibig sabihin ang umano’y presensiya ng mga barko ng China malapit sa Pag-asa Island at walang dapat na ikaalarma ang Pilipinas ukol dito.
Hindi kinumpirma o itinanggi ni Cayetano ang ibinunyag ni Magdalo Partylist Representative Gary Alejano kaugnay sa limang Chinese vessel sa nasabing teritoryo ng Pilipinas.
Ayon kay Alejano, isang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pinigil ng mga Chinese vessel na lumapit sa mga sand bar ng Pilipinas na nasa dalawa hanggang pitong milya ang layo sa Pag-asa Island.
Gayuman, iginiit ni Cayetano na kapag may nakitang mga barko ng China sa lugar ay hindi naman ibig sabihin na palaging magdudulot ito ng alarma lalo na’t hindi naman sila kaaway. Tiniyak din niya na ‘very stable” ang sitwasyon sa lugar kung saan naroon ang mga barko ng China.