NI: Marivic Awitan
Mga Laro Nayon
(Filoil Flying V Centre)
4 n.h. -- PAF vs Creamline (3rd Place)
6:30 n.h. -- Pocari Sweat vs BaliPure (Finals)
HANDA ang Balipure sa posibleng paglalaro ng conference MVP na si Myla Pablo ngayong gabi sa muli nilang pagtutuos ng Pocari Sweat sa tangka nilang pagwalis upang makamit ang unang titulo sa Premier Volleyball League (PVL Open championship sa Filoil Flying V Centre.
Napag-alamang na -diagnosed si Pablo na may UTI (Urinary Tract Infection) na iniinda nito noon pang Sabado nang matalo ang Lady Warriors ,22-25, 19-25, 22-25 sa series-opening.
Habang sinusulat ang balitang ito, wala pang update sa kanyang estado kung lalaro siya ngayong Game 2 ganap na 6:30 ng gabi.
“We will be going for the championship with or without Myla,” pahayag ni Balipure coach Roger Gorayeb.
“Ang sabi ko nga sa mga bata, sibat lang ang makakaawat sa amin,” aniya.
Ngunit, kung siya ang tatanungin, gusto ni Gorayeb na naglaro si Pablo.
“As a former coach of Myla, sana wala namang grabeng sakit siya. Siyempre, close pa rin ako kay Myla,” aniya.
Taglay ng BaliPure ang psychological advantage kontra Pocari Sweat na nanganganib na mahinto ang nasimulang winning tradition.
Muling inaasahang mamumuno para sa Water Defenders sina Aiko Urdas, Grethcel Soltones, Jerrili Malabanan, Risa Sato, setter Jasmine Nabor at libero Lizlee Ann Pantone.
Sa kabilang dako, kung hindi makakalaro si Pablo, inaasahang mangunguna para sa Lady Warriors sina Jeanette Panaga, Elaine Kasilag, Heather Guino-o at Cai Nepomuceno.
Samantala, target din ng Creamline na tapusin na ang sariling series nila ng Air Force para sa third place sa unang laban ganap na 4:00 ng hapon.