Ni: Bert de Guzman
NAKASAMA ko si Sen. Gregorio “Gringo” Honasan nang mag-aklas ang noon ay Defense Minister Juan Ponce Enrile (JPE) sa administrasyong Marcos noong Pebrero 1986. Siya ang chief security aide ni JPE, magandang lalaki, matipuno at tapos sa Philippine Military Academy sa Baguio City. Halos gabi-gabi ay nakikita ko siyang nagdya-jogging sa malawak na espasyo ng Camp Aguinaldo bago pa ang kudeta. Galit siya sa diktadurya ni ex-Pres. Marcos, sa kurapsiyon at sa umiiral na palakasan at paboritismo sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Nasa likod siya ni Enrile sa MND Social Hall nang ihayag nina JPE at Gen. Fidel V. Ramos ang kanilang pagkalas.
Ngayon, si Gringo Honasan na galit sa kurapsiyon at palakasan sa AFP, ay nahaharap sa kasong graft dahil sa umano’y maling paggamit ng kanyang P30 milyong PDAF (Priority Development Assistance Fund o pork barrel noong 2012. Iniutos ng Sandiganbayan na dakpin siya dahil sa two counts of graft. Pinagpipiyansa siya ng P60 milyon para sa kanyang paglaya.
Kabilis ng mga pangyayari. Si Gringo na muhing-muhi sa kurapsiyon ay nahaharap ngayon sa kasong kurapsiyon o graft.
Anyway, marami rin akong kakilala na aktibista, sumisigaw ng rebolusyon, pinatatalsik si Marcos, idolo sina Mao Tse Tung, Che Guevarra at Fidel Castro, pero sa bandang huli ay naging praktikal, sumama sa pulitika at naging mga katuwang pa ng mga traditional politician na dati-rati ay kanilang minumura.
Maliwanag na nagsisinungaling ang China nang ihayag ng Foreign Minister nito na dalawang taon nang itinigil ang reclamation activities sa West Philippine Sea sa okasyon ng ika-50 anibersaryo ng ASEAN na ginanap sa bansa. Batay sa mga larawan na ipinakita ng Asia Maritime Transparency Initiative of the Center for Strategic and International Studies, patuloy ang reklamasyon sa Tree Island sa may Paracel Islands. Maging si DFA Sec. Alan Peter Cayetano ay naniniwalang itinigil na ng China ang reklamasyon sa disputed islands sa West Philippine Sea (WPS) o South China Sea (SCS).
Samantala, isang US navy ship, ang USS John S. McCain, ang naglayag malapit sa Mischief Reef na saklaw ng Pilipinas pero inaangkin ng China. Ang US navy destroyer ay nagsagawa ng “freedom of navigation operation” noong Huwebes at nakalapit sa 12 nautical miles ng isang artificial island na ginawa ng China sa SCS. Sa ngayon, ang Vietnam ang pinakamahigpit na kritko ng China sa ginagawa nito sa WPS-SCS, partikular sa reklamasyon at militarisasyon, nito sa ilang reefs, shoals at atolls, habang ang Pilipinas na nanalo sa arbitral court ruling ay walang kibo, tameme at hindi nagpoprotesta dahil baka raw tayo giyerahin ng China.
Naggigirian ngayon ang North Korea at US dahil sa patuloy na pagsasagawa ng bansa ni Kim Jong-Un ng intercontinental ballistic missiles tests na ikinababahala ng mundo. May plano pa yata ang... North Korea na ihayag ang detalyadong plano sa paglulunsad ng ballistic missiles sa US pacific territory ng Guam. Nagbanta si US Pres. Donald Trump sa North Korea na itigil ang ballistic tests at mga pagbabanta sapagkat baka sa dakong huli, ito ay ganap na mawasak o mabura sa mapa ng mundo. Ito na ba ang Armageddon?
Nagalit si Pres. Rodrigo Roa Duterte sa Oxford University sa England dahil pinagbibintangan siyang gumagamit ng mga troll, blogger at fake journalists para pagandahin ang kanyang imahe at siraan ang mga kritiko at kalaban sa pulitika. Tinawag niyang institusyon ng mga “bugok” ang Oxford University at hindi nito alam ang pinagsasabi. May mga kaibigan akong nagsabi na maging sa mainstream media rin daw ay may “nakatanim” na journalists si PRRD. Totoo ba ito, Sec. Andanar?