Ni: Genalyn Kabiling at Beth Camia
Walang namo-monitor na banta ng terorismo ang Philippine National Police (PNP) sa gitna ng pinaigting na seguridad para sa regional ministerial assembly sa Maynila ngayong linggo, sinabi kahapon ng opisyal.
Gayunman, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde na inaantabayanan nila ang ilang grupo, kabilang ang mga dating miyembro ng Alex Boncayao Brigade na “nag-Balik-Islam”.
“With regards to the specific group na Maute, wala tayong nakukuha especially those coming from Mindanao, particularly in Marawi for that matter,” pahayag ni Albayalde sa Palace news conference.
“Ang tinitingnan lang naman natin ngayon dito is ‘yung mga—as I’ve said earlier—‘yung mga former members ng mga ABB na nag-Balik Islam. So, ito ‘yung mga present dito sa NCR. But as of this time, wala naman tayong namo-monitor na movement nila that would probably disrupt this ASEAN meeting,” dagdag niya.
Aabot sa 13,000 uniformed personnel ang ipakakalat upang matiyak ang seguridad sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ministerial meetings sa Agosto 2-8 sa Metro Manila, ayon kay Albayalde.
Mahigit 1,700 foreign visitors, aniya, ang inaasahang dadalo sa regional assembly.