MAYROONG pangmatagalang plano upang palawakin ang supply ng kuryente ng bansa gamit ang mga renewable resource, gaya ng tubig, hangin, geothermal, at solar. Ang kuryenteng nagpapagana sa ating mga industriya at sa mga ilaw sa ating mga tahanan ay karaniwang nagmumula sa mga coal plant dahil na rin ito ang pinaka-hindi magastos pangasiwaan kumpara sa iba. Kasama ang mga oil at natural gas plant, nagkakaloob ang mga ito ng 68 porsiyento ng pangangailangan ng bansa sa kuryente sa ngayon, na ang 32 porsiyento ay mula sa mga hydro power dam at ang mga bagong solar, wind, at biomass farms.
Sa mga detalyeng ito—ang malaking supply ng kuryente ng ating bansa—nagsimula ang kontrobersiya tungkol sa pitong coal-fired power plant sa ilang lalawigan nang naghain ng aplikasyon ang Manila Electric Company (Meralco) para sa Power Supply Agreements (PSA). Lilikha ang mga plantang ito ng may kabuuang 3,551 megawatts ng bagong kuryente.
Tinutulan ng ilang civil society organization ang pag-apruba ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa mga PSA sa dahilang ang mga coal plant ay magastos at marumi. Kinontra naman sila ng iba pang mga grupo—ang sektor ng negosyo, mga lokal na pamahalaan, at mga samahan sa mga komunidad—na nagmartsa rin patungong ERC bilang suporta sa mga proyekto, dahil umaasa sila sa maraming trabaho, pagkakakitaan at iba pang benepisyong pang-ekonomiya na inaasahang ihahatid ng mga bagong planta.
Ang panukalang power plant sa Atimonan, Quezon, ay kakaiba dahil gagamit ito ng Ultra Super Critical Technology na ginagamit ngayon sa Amerika, China, Japan, Germany, at iba pang mga bansa, at magbubuga ng hindi masyadong mapaminsalang emissions kumpara sa karaniwang sistema.
Sa isang pagdinig sa Kamara kamakailan, nagtakda ang ERC ng tatlong-buwang deadline sa pagdedesisyon. Gayunman, nilagdaan ni Pangulong Duterte nitong Hunyo 30 ang Executive Order 30 na nag-aatas sa gobyerno na pagsama-samahin at gawing mas simple ang mga proseso sa regulasyon at ang mga requirement sa mga energy project. Kailangang tugunan ng mga ahensiya ang mga aplikasyon para sa mga energy project sa loob ng 30 araw.
Magkakaroon ng sapat na panahon ang ERC upang pag-aralan ang mga puntong iginigiit ng magkakakontrang grupo. Maaari nitong ikonsidera ang pangako ng bansa na tuluy-tuloy na babawasan ang pagdepende sa mga enerhiyang nagmumula sa fossil fuels gaya ng uling, petrolyo, at natural gas, at paggamit na ng kuryente mula sa renewable resources, gaya ng solar, wind, geothermal, hydro, at biomass.
Ngunit maglulunsad ang administrasyon ng isang malawakang programang pang-imprastruktura—ang “Build, Build, Build”—na mangangailangan ng maraming supply ng kuryente upang maisakatuparan sa susunod na limang taon. Naghihintay na ngayon ang pitong planta ng pag-apruba ng ERC upang makalikha ng karagdagang 3,551 megawatts pagsapit ng 2019.
Dapat nating panatilihin ang ating pangmatagalang hangarin na pagpapalakas sa ating renewable energy program, alinsunod na rin sa ating sinumpaan sa Paris Agreement on Climate Change. Ngunit batay sa ating pangangailangan sa ngayon—upang maiwasan ang kakapusan ng kuryente gaya ng nangyari noong dekada ’90 at upang matiyak ang tagumpay ng malawakang programang pang-imprastruktura ni Pangulong Duterte, kakailanganin natin ang lahat ng kuryenteng ating malilikha—kabilang ang mga nakabimbin ngayon sa ERC.