Ni AARON RECUENCO, May ulat nina Beth Camia at Fer Taboy
Napatay ng mga pulis si Ozamiz City Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog, Sr. at 11 iba pa, kabilang ang asawa at kapatid nitong incumbent provincial board member, sa serye ng pagsalakay sa mga bahay ng maimpluwensiyang political clan sa Misamis Occidental kahapon ng madaling araw.
Sinabi ni Police Regional Office (PRO)-10 director Chief Supt. Timoteo Pacleb, na naaresto rin sa isa sa mga operasyon ng pulisya si Ozamis City Vice Mayor Nova Princess Parojinog-Echaves, na dati nang dumulog sa Camp Crame sa Quezon City upang linisin ang kanyang pangalan matapos na mapasama ang kanyang pamilya sa “narco-list” ni Pangulong Duterte.
Anim na search warrant ang ipinatupad ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ng mga operatiba ng Ozamis City Police sa mga bahay ng pamilya Parojinog sa Barangay San Roque Lawis, bandang 2:30 ng umaga kahapon.
“Our personnel were met with gunfire when they were about to enter the house of the Mayor. This led to the gunfight,” sabi ni Chief Supt. Pacleb.
VICE MAYOR INARESTO
Ayon kay Pacleb, bukod sa alkalde at asawa nitong si Susan, napatay din si Misamis Occidental Board Member Octavio Parojinog at ilang security personnel na kinabibilangan umano ng mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT).
Ang mga napatay ay nasa loob ng bahay ng alkalde at ng anak niyang si Echaves, na naaresto ng mga pulis. Inaasahang dadalhin sa Camp Crame ang bise alkalde.
Wala naman sa kanyang bahay si City Councilor Reynaldo Parojinog, Jr. nang ikasa ang operasyon.
Sinabi pa ni Chief Supt. Pacleb na nakasamsam sila ng iba’t ibang armas at ilegal na droga sa magkahiwalay na operasyon, kabilang na ang nagmula umano sa bahay ni Echaves.
WALANG ENGKUWENTRO
Samantala, sinabi naman ni Atty. Jeffrey James Ocang, legal officer ng pamahalaang lungsod ng Ozamis, na matagal nang inaasahan ng mga Parojinog na sila ang sunod na target ng mga awtoridad kasunod ng pagkakatalaga kay Chief Insp. Jovie Espenido bilang hepe ng Ozamis City Police, na umano’y nagpahaging kamakailan laban sa pamilya Parojinog.
Si Espenido ang hepe noon ng Albuera Police sa Leyte nang isagawa ang serye ng pagsalakay sa bahay ng pamilya ng napaslang na si Mayor Rolando Espinosa, Sr.
Iginiit din ni Ocang na hindi totoong sinalubong ng mga putok ng baril ang mga pulis habang papasok sa mga bahay ng alkalde at bise alkalde, at may sumabog munang granada bago naulinigan ang mga putok ng baril.
Dagdag pa ni Ocang, nakausap niya si Echaves at sinabi nitong pinutol ng mga pulis ang mga linya ng mga CCTV camera bago ang operasyon, at tinangay pa umano ang hard drive nito.
“She (Echaves) was also hit several times by an officer and the proof is that she has injuries on her mouth,” sabi pa ni Ocang.
Dahil dito, umapela ng masusing imbestigasyon ang pamilya Parojinog.
“Hinihiling po nila na paimbestigahan ng Pangulong Duterte ang pangyayari; alamin po ang tunay na nangyari dahil base po sa mga pictures na kumakalat sa Internet na parang head shot po lahat ang tama ni Mayor, saka ni misis at ni Board Member,” sabi ni Ocang.
“Sa description po natin kay Mayor ay malaking tao po siya at hindi po basta-basta makakalaban ng barilan, kaya nagtaka po kami kung bakit naging ganito po ‘yung resulta,” pahayag pa ni Ocang.