Ni: Beth Camia

Ipinag-utos ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na ibalik sa maximum security compound ang mga high-profile inmate ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.

Sa Department Order (DO) No. 496 na pirmado ni Aguirre, iniutos niya na ibalik sa Building 14 ang mga inmate na inilipat sa maximum security compound.

At ang mga bilanggong inilipat sa medium security compound ay pinababalik sa maximum security compound.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Binigyang-diin pa ni Aguirre na kung may mga inmate na high-risk, high-profile at nahatulan sa ilegal na droga na kailangang ilipat ng kulungan ay kinakailangan muna niya itong aprubahan.

Kasabay nito, pinagsusumite rin ni Aguirre ang Bureau of Corrections (BuCor) ng listahan at imbentaryo ng lahat ng bilanggong inilipat ng detention facility, pati na ang dahilan ng paglipat sa kanila, petsa ng paglipat, kung saan galing at kung saan inilipat.

Samantala, nagtalaga ang Philippine National Police (PNP) ng mga bagong Special Action Force (SAF) member na magbabantay sa NBP.

Ayon kay Justice Undersecretary Antonio Kho, Jr., ang isang batalyong PNP-SAF na itinalaga nitong nakaraang linggo ang pumalit sa mga dating police commando na nagbabantay sa maximum security compound.

Ito ay bunsod ng kumpirmadong pagbabalik ng ilegal na droga sa nasabing piitan.