Ni: Rommel P. Tabbad
Lumakas ang bagyong ‘Fabian’ habang nasa dulo ng Northern Luzon.
Batay sa weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysiçal and Astronomical Services Administration (PAGASA) kahapon ng umaga, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 45 kilometro sa kanluran-timog kanluran ng Basco, Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging nasa 55 kilometer per hour (kph) malapit sa gitna at may bugsong 65 kph.
Ang bagyo ay kumikilos pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 18 kilometro kada oras.
Bagamat itinaas ang Signal No. 1 sa Batanes at Northern Cagayan, kasama na ang Babuyan Group of Island, bandang 11:00 ng umaga ay binawi na ang nasabing storm warning signals.
Inaasahan ng PAGASA na lalabas na ang Fabian sa Philippine Area of Responsibility nitong Sabado ng gabi.
Samantala, isang low-pressure area (LPA) naman ang namataan sa 725 kilometro sa silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur, na inaasahang magpapaulan sa silangang Visayas, hilagang Mindanao, Caraga at Davao regions.