Lozanes, umukit ng marka sa ASEAN School Games.

SINGAPORE – Lumaki sa dalampasigan si James Lozanes. Bilang kaagapay ng ama sa paghahanda ng lambat para sa kabuhayan ng pamilya sa pangingisda -- lumakas ang kanyang bisig na kalauna’y nagamit niya sa nalinyang sports.

Mula sa pagiging top javelin thrower sa Palarong Pambansa, maipagmamalaki ng Team Philippines ang 17-anyos matapos ang kahanga-hangang record-breaking na tagumpay sa boys javelin throw nitong Martes sa 9th ASEAN Schools Games dito.

James Lozanes
James Lozanes
Nakopo ng Grade 11 student ng Estancia National High School ang gintong medalya – ika-11 sa kasalukuyan para sa Nationals – sa 700g javelin throw sa layong 66.39 meters at lagpasan ang dating marka na 62.28m na naitala sa 2015 edition.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Lubhang nakagugulat ang marka ni Lozanes matapos nitong lagpasan ang itinakdang 65-meter distance ng athletics technical officials.

“Akala siguro nila na hindi mabre-break yung record kaya ang measurement lang nila ng distance ay hanggang 65 meters lang,” pahayag ni Anthony Valdez, isa sa athletics coach ng Team Philippines na binuo ng Department of Education (DepEd) at suportado ng Philippine Sports Commission (PSC).

“Hindi ko ini-expect na malalagpasan ko ang record,” sambit ni Lozanes, sumabak sa kanyang unang international competition.

Sa Palarong Pambansa na ginanap nitong Mayo sa Binirayan Sports Complex sa San Jose, Antique, naitala niya ang bagong Palaro record sa layong 59.46 meters. Ang dating marka ay 57.81 na naitala ni Bryan Pacheco may limang taon na ang nakalilipas.

“Sobrang saya po pakinggan ang ating national anthem na tinutugtog during sa awarding,” aniya.

Ginapi ni Lozañes ang karibal na sina Tingjia Wang ng Singapore (59.76m) at Pornpraphan Dechochai (59.49m).

Bunsod ng panalo, nahila ni Lozanes ang nahakot na ginto sa athletics sa apat para tulungan ang Team Philippines sa paglarga sa ikalimang puwesto sa overall standings sa ikaapat na araw ng kompetisyon tangan ang kabuuang 11 ginto, anim na silver at 16 bronze medal.

Nakopo ng swimming team ang anim na gintong medalya, sa pangunguna nina triple-gold winner Maurice Sacho Ilustre (boys 100m freestyle, boys 100m butterfly at boys 200m freestyle), Fil-American Bhay Maitland Newberry (girls 100m at 200m backstroke) at Jerard Jacinto (100m backstroke).

Isang ginto naman ang naiambag ng gymnastics team.

Nangunguna ang Indonesia na may 19-21-17 medals may dalawang araw pa ang nalalabi sa taunang torneo para sa mga estudyanteng atleta, habang nakabuntot ang Thailand (19-13-19), host Singapore (17-19-19) at Vietnam (13-18-8).

Umabot lamang sa 55 meters ang unang bato ni Lozañes at na-improved niya sa 58m sa ikalawang pagtatangka.

“Hindi pa kasi ako galit nun,” pabirong pahayag ni Lozañes, bunso sa dalawang anak nina Jinky at Mariano na isang mangingisda.

“After nung nakuha ko yung 66.39m distance, umiiling na ang mga kalaban ko eh,”aniya.